Nadakip na ang suspek sa pagbaril at pagpatay sa isang 14-anyos na binatilyo sa Sampaloc, Maynila noong Miyerkoles ng gabi. Ang suspek, sinabi umano kay Manila Mayor Isko Moreno na naiinis siya sa mga kabataang nagra-riot sa lugar kaya niya nagawa ang krimen.
Sa ulat ng GMA News 24 Oras nitong Biyernes, sinabing iniharap ni Moreno sa isang pulong balitaan ang suspek na nadakip ng mga awtoridad sa Quezon City, kaninang umaga.
Inihayag ng suspek na walang atraso sa kaniya ang biktima at humingi siya ng tawad sa mga magulang ng binatilyo.
Pero sinabi umano ng suspek kay Moreno na naiinis siya sa mga kabataang nagra-riot sa lugar kaya niya nagawa ang krimen.
Matatandaan na nasa center island sa Lacson Avenue ang biktima at ilan pang kabataan noong gabi ng Miyerkoles lang lumapit ang suspek at binaril sa ulo ang binatilyo.
Tumakas ang suspek, habang hindi naman nakaligtas ang biktima.
Sa pulong balitaan, nagpaalala si Moreno sa publiko na huwag ilalagay sa kanilang kamay ang batas.
Pinayuhan din niya ang mga kabataan na umiwas sa gulo at huwag makisali sa gawain ng mga kabarkada na maaari nilang ikapahamak. – FRJ GMA News
