Nagsalita na si Kim Chiu sa gitna ng kaniyang pamamahinga sa showbiz, at nagpapatuloy na legal battle nila ng kaniyang kapatid kaugnay ng umano'y nawawalang pera sa kaniyang kumpanya.

Noong Linggo ng gabi, nag-upload ang host ng “It's Showtime” ng isang vlog na ginawa niya noong Setyembre 24 pa. Dito, ibinahagi ng aktres na dumaraan siya sa isang mahirap na yugto ng kaniyang buhay na nagtulak sa kaniya na pansamantalang magpahinga sa trabaho at humingi ng propesyonal na tulong.

“I’ve been very emotional," ani Kim. "My mental state is not in the right place. I need to step back from work."

Inamin ng aktres na hindi niya kailanman inakala na hahantong siya sa ganitong sitwasyon at malaki ang naging epekto nito sa kaniya.

Ibinahagi rin niya ang kaniyang mga kinatatakutan at ang desisyon niyang humingi ng tulong medikal, kabilang ang pagdalo sa mga therapy session.

“I’m just scared of people, and I don’t know why,” saad niya. “I’m also attending therapy sessions.”

Ayon pa sa aktres, humingi na siya ng tulong medikal dahil hindi na niya kayang harapin ang pinagdaraanan niya.

Bukod sa kaniyang personal na pinagdaraanan, tinalakay rin ni Kim ang mga legal na proseso kaugnay ng kaniyang kumpanya. Inamin niya na naging mahirap para sa kaniya ang Setyembre 24 dahil ito ang unang pagdinig sa kaso.

"September 15, lumabas na yung warrant ni Lakam and hindi ko na i-elaborate dahil alam niyo naman ang nangyari," ani Kim.

Ayon kay Kim, dumistansiya rin siya sa social media dahil sa magkakaibang opinyon ng publiko tungkol sa kontrobersiyang kinasasangkutan ng kaniyang kapatid. Gayunman, binigyan-diin din ng aktres na kasama sa usapin ang pondo ng korporasyon, o pera ng kumpanya.

Sa video, inihayag ni Kim na nananatili siya sa bahay dahil “I'm really scared for my life.”

Sa kabila ng mahirap na sitwasyong pinagdaraanan, sinabi ni Kim na nais niyang maipakita sa kaniyang mga tagasuporta ang kaunti sa mga nangyayari sa kaniyang buhay at matiyak sa kanila na ginagawa niya ang lahat upang makayanan ito.

“I just want all of you to know a little about what's happening in my life. I miss you all so much,” patuloy niya. “A lot has happened, but I'm okay, and God will provide.”

“I'll be back soon, I guess. I don't know,” sabi pa niya.

Noong Disyembre 2025, naghain si Kim ng reklamong qualified theft laban sa kaniyang kapatid matapos niyang matuklasan ang umano'y “serious financial discrepancies” sa kanilang negosyo na nagkakahalaga ng P44 milyon.

Tinawag ni Kim ang hakbang na ito bilang isa sa mga “pinakamasakit na desisyon” na ginawa niya sa kaniyang buhay.

Inaresto ang kapatid ni Kim noong Setyembre 20 dahil sa 124 na bilang ng kasong qualified theft. Makalipas ang apat na araw, nakalaya ito mula sa Quezon City Jail Female Dormitory matapos magpiyansa. —Hermes Joy Tunac/FRJ GMA News