Arestado ang isang lalaki dahil sa pangmomolestiya at pagbidyo pa sa ilang bata na kinakabitan niya ng braces sa Tondo, Maynila.
Sa ulat ni John Consulta sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing nagtungo ang mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) sa bahay ng kanilang pakay na suspek.
Ikinagulat ng suspek nang agad kunin ang kaniyang cellphone sa bisa ng cyber warrant na dala ng NBI Violence Against Women and Children Division.
Inaresto ang suspek matapos makumpirmang pag-aari niya ang cellphone at makita ang ilang malalaswang video.
Bago nito, nagkaroon ng referral mula sa NCC-OSAEC matapos itong makadiskubre sa pagmo-monitor online tungkol sa isang indibiduwal na nagpapakalat ng mga sensitibong video at larawan ng mga bata, partikular na ang mga lalaking bata.
“Kakabitan niya ng braces sa ipin kunwari. Pero itong braces na kinakabit na ‘to, hindi naman pala talaga nakakaayos ng ipin. Pero, bago niya gawin iyon ang nangyayari, ay minomolestiya niya itong mga menor de edad na ito. At ang mabigat nito, habang minomolestiya niya, meron palang secretly na ibinibidyo niya ‘yung pangyayari,” sabi ni NBI Director Melvin Matibag.
Nahaharap ang suspek sa reklamong paglabag sa online sexual abuse of children law at rape by sexual assault na walang piyansa. —Jamil Santos/VBL GMA News
