Nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang isang 14-anyos na binatilyong kasama umano sa pambubugbog sa isang Grade 10 student na namatay kalaunan sa Baseco, Maynila noong Pebrero.

Sa ulat ni Jhomer Apresto sa Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing isinilbi ang warrant of arrest ng Malate Police Station sa menor de edad nitong Setyembre 7.

“Fourteen years old. Ang participation niya roon sa insidente, kasama siya sa nambugbog sa biktima na eventually namatay sa ospital,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Norman Patnaan, Station Commander ng MPD 9.

Nai-turnover na sa Manila Youth Reception Center ang binatilyo.

“Ang gagawin ng pulis mag-i-investigate pero ‘yung discernment nasa DSWD level na. Ngayon kapag naglabas ng discernment ‘yung DSWD, ‘yun ang ipa-file namin sa fiscal. At ipinakita naman 'yung warrant kasama 'yung magulang. Siya ‘yung nandoon sa warrant, inamin niya na kasama siya doon sa insidente na ‘yun,” sabi ni Patnaan.

Sinusubukan pa ng GMA News na makuha ang panig ng pamilya ng binatilyong nahuli at ang pamilya ng biktima.

Matatandaang gabi ng Pebrero 9, 2026 nang mahagip sa CCTV ang isang binatilyo na nag-aabang sa likod ng isang paaralan sa Baseco, Maynila.

Makaraan ang ilang minuto, makikita na ang binatilyo na sinasaksak ang Grade 10 student na si alyas “JC.”

Hanggang sa makorner ng biktima at ng kasama niya ang lalaki ngunit nakatakas ito kalaunan.

Habang naglalakad na palayo ang biktimang si JC, bigla siyang humandusay sa eskinita.

Sinabi ng Manila Police District na dinala pa sa hospital si JC pero namatay din kalaunan.

Ugat ng away ang pambabastos umano ng nanaksak sa nobya ni JC na ka-teammate niya sa sepak takraw.

Agad namang nahuli noon sa bahay ng kaniyang kaklase ang nanaksak. — Jamil Santos/VBL GMA News