Kinumpirma ng Philippine Coast Guard (PCG) nitong Martes na kusang nagtungo si Roel Sarmiento, ang kapitan ng MV June Aster, sa operator’s office ng kompanya limang araw matapos masunog ang barko sa karagatan ng Coron, Palawan.

Sa ibinigay na update ng PCG, sinabing nagtungo si Sarmiento sa tanggapan ng Atienza Interisland Ferries Inc. sa Palawan noong Lunes, Setyembre 14, 2026.

Iniulat na nagpakita rin siya sa Emergency Operations Center.

“Captain Sarmiento was accompanied by Mr. Dindo Macalinao, HR General of Atienza Interisland Ferries Inc.,” ayon sa PCG.

Nakatakdang isailalim si Sarmiento sa pagtatanong ng mga imbestigador upang makalap ang mga detalye hinggil sa insidente, ayon kay PCG spokesperson Commodore Noemie Cayabayab.

“Investigators are scheduled to gather information from Captain Sarmiento regarding the circumstances surrounding the incident, including his whereabouts following the fire and what transpired before his appearance yesterday, five days after the tragedy at sea,” pahayag ng PCG, batay sa impormasyon mula sa kanilang tagapagsalita.

Noong Miyerkules, Setyembre 9, nasunog ang MV June Aster habang naglalayag sa karagatan ng Coron, Palawan. Hindi pa natutukoy ng mga awtoridad ang sanhi ng sunog.

Batay sa pinakahuling opisyal na datos, umabot na sa 76 bangkay ng mga nasawi sa insidente ang nakuha, at 12 katao pa ang nawawala.

Umabot naman sa 44 ang nakaligtas, kabilang si Sarmiento.

Ayon sa PCG, 132 ang pasahero ng MV June Aster nang mangyari ang trahediya. — FRJ GMA News