Tinitingnan ng Philippine National Police (PNP) ang anggulo na pera ang motibo sa likod ng pagpatay sa isang babae na nakita ang naagnas na bangkay sa loob ng refrigerator sa isang apartment sa Rodriguez, Rizal.

Sa press briefing nitong Biyernes, sinabi ni PNP spokesperson Police Colonel Allen Rae Co, na batay sa impormasyon na ibinigay ng ama ng biktima, may dala umano na malaking halaga ng pera ang kaniyang anak.

“Money nga, yung pera lang na hawak daw ng babae. According to the father of the victim ay merong maraming, malaking pera yung babae,” sabi ni Co.

Hinahanap pa rin ang lalaking nagpakilalang live-in partner ng biktima, at itinuturing siyang person of interest sa kaso.

Ayon sa pulisya, natuklasan na may nakabinbin na arrest warrant laban sa lalaki para sa kasong serious illegal detention.

Sa isang ulat ni Bam Alegre sa “What We Know So Far,” sinabing isasailalim sa DNA test ang mga nagpakilalang kaanak ng biktima.

Kasama ng mga imbestigador, ipina-identify sa mga nagpakilalang kaanak ang bangkay ng biktima. May nakita umanong mga identifying marks sa katawan ng babae pero humiling pa sila ng DNA test upang makatiyak.

Hindi muna nagbigay ng panayam o pahayag ang pamilya ng babae at humiling ng privacy.

“Meron po silang na-identify na mga features sa katawan, kagaya po ng nunal. Pero ‘yung hitsura po kasi talagang hindi na po ma-identify,” sabi ni Michael Soriano officer in charge sa morge.

Lumabas sa paunang imbestigasyon ng pulisya na magpapirma sana ng kontrata ang landlord ng apartment sa biktima.

Huli niya itong nakausap noong Setyembre 9 kasama ang nagpakilalang live-in partner ng babae.

“Nu’ng pumunta itong landlord ay hindi siya pinagbuksan. Kumatok ng katok siya, walang nagbubukas. Pero minsan naghinala na siya dahil may kortina na po sa bintana. Tapos bumalik ulit siya noong September 15. Katok din siya ng katok. Wala ring sumasagot,” sabi ni Police Lieutenant Gerry Cordero ng Rodriguez Police.

Dahil dito, nagpasiya na ang landlord na magtawag ng pulis matapos mapansing nilalangaw na ang unit at may masangsang na itong amoy. Doon na natuklasan ng pulisya ang babaeng isiniksik sa loob ng ref.

“Tumambad sa amin ‘yung parang kumot na ‘yan, naka-cover du’n sa refrigerator. Tapos iyang maleta na iyan, mga damit na ‘yan, nakapatong ‘yan diyan sa ref,” sabi ng landlord.

Sinabi ng Rodriguez Police na posibleng pinatay sa sakal ang biktima bago isinilid sa loob ng ref.

“Kaya bumaho ito dahil siguro hindi gaano na kinaya ng ref para mapalamig ‘yung bangkay. Strangulation ang nagiging sanhi dahil 'yung pantali nga po ay nakita pa doon ating mga investigador sa lugar,” sabi ni Cordero.

Sinabi rin sa pulisya ng ilang mga kapitbahay na namataan pa nila ang biktima bandang 8 a.m. noong Setyembre 10 sa labas ng apartment at may kinuhang delivery.

Kinagabihan nang makarinig sila ng kalabog. – Jamil Santos/FRJ GMA News