May bagong parody song na kaaaliwan ang mga Pinoy na gawa ng Kapuso comedy genius na si Michael V. Napapanahon din umano ito dahil tungkol sa katayuan ngayon ng mga tao--laging kulang.

Ayon sa ulat ni Aubrey Carampel sa “24 Oras” nitong Biyernes, sinabing personal na isinulat ni Michael V. ang lyrics para sa kaniyang pinakabagong parody, na mapapanood sa “Bubble Gang” ngayong Linggo.

Sinabi ni Bitoy na ipinapakita ng kanta ang kasalukuyang sitwasyon ng maraming tao na madalas makaramdam na may isang bagay na kulang.

“Ako si Juan Dela Cruz, ang magsisilbing boses ng mga Pilipino sa panahon ngayon. Tungkol yan sa katayuan ng mga Pilipino ngayon…palaging kulang. Basta alam niyo, makakarelate kayo dito,” sabi ni Michael V.

Batay ang parody sa kantang “Ikaw Lang” ng bandang Nobita, at pinamagatan naman ang bersyon ni Michael V. na “Eh Kulang.”

Aawitin naman ng parody band na “Nokita” ang kanta.

“Maganda yung kanta nila, very catchy. Yung pangalan ng banda namin Nokita. So pagdugtungin mo na, Kulang, Nokita, Pilipino, Juan de la Cruz—alam mo na,” dagdag ni Bitoy.

Batid ni Michael V. na maaaring may mga “matamaan” na ilang makakapanood sa parody song kaya nagpaalala siya na huwag mapikon, at huwag seryosohin nang husto.

Samantala, isa pa sa mga aabangan kay Michael V. ay ang kaniyang pansamantalang pagho-host sa “Family Feud” habang nagpapahinga si Dingdong Dantes upang pagtuunan ng pansin ang kanyang seryeng “The Master Cutter.”

Ayon kay Bitoy, nag-e-enjoy siya bilang host ng game show dahil na sa pakikisalamuha niya sa mga contestant at maging sa audience.

Ilan sa mga nauna nang parody songs na ginawa ni Bitoy ay ang “Gusto Ko Nang Bumitaw,” “Sining” ng Dionela feat. Jay-R, “Dilaw" ng Maki, at “Raining in Manila” ng Lola Amour. —Jade Veronique Yap/FRJ GMA News