Nawasak ang harapang bahagi ng isang nakaparadang taxi matapos itong matalsikan ng sumabog na tangke mula sa isang junk shop sa Barangay Nagkaisang Nayon, Quezon City. Ang isang gasolinahan, nadamay din.
Sa ulat ni Jamie Santos sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing naganap ang insidente sa General Luis Street magtatanghali.
Basag ang windshield ng taxi matapos tumalsik ang acetylene tank.
“Malayo ang lipad eh. Biruin mo doon hanggang dito. Siguro, baka may isang kilometro ‘yun. Hanggang dito. Tumama naman dito sa pader na ‘yun. Mabuti doon wala namang tao. Sa ngayon po hindi po ako makapaghanapbuhay,” sabi ni Inocencio San Miguel, may-ari ng taxi.
Nagkausap naman sina San Miguel at ang may-ari kaugnay ng babayarang danyos sa nasira niyang taxi.
Nabutas din ang isang pader matapos tamaan ng sumabog na tangke.
Nawasak at lumaylay din ang mga bahagi ng kisame ng isang gasolinahan na katabi ng junk shop.
Naputol naman ang kawad ng kuryente ng kalapit na poste, at ramdam ang lakas ng pagsabog sa mga kalapit na apartment at commercial building.
Kinordonan na ang junk shop habang nagsasagawa ang Bureau of Fire Protection ng imbestigasyon sa sanhi ng pagsabog.
Sinubukan ng GMA News na kunan ng panig ang may-ari ng junk shop, pero wala siya, ayon sa kaniyang mga tauhan. — Jamil Santos/VBL GMA News
