Nabiktima ang isang babaeng working student ng tatlong miyembro umano ng Ipit Gang sa loob ng bus nang matangay nila ang perang pambili sana niya ng libro sa Commonwealth Avenue, Quezon City kahapon. Ngunit ang biktima, nabawi ang kaniyang wallet.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing pauwi na sana sa Caloocan ang 20-anyos na babaeng working student nang makaidlip siya sa biyahe.
Pagkagising, nawawala na ang kaniyang wallet.
"Nu'ng nakita ko po nawala na 'yung wallet ko, 'yung dalawang katabi ko pumunta sila sa likod. So ako parang may time ako para tingnan 'yung ilalim ng seat ko, 'yung tabi tapos natataranta na po talaga ako, hindi ko na alam kaya tumayo ako sa bus,” sabi ng working student na biktima.
Kalaunan, nagmamadali umano ang mga suspek na bumaba ng bus. Pasakay na sila ng taxi nang pigilan sila ng biktima. Tumanggi umanong ipakita ng babaeng suspek ang laman ng kaniyang bag.
"Bumaba 'yung bus driver hinarang niya 'yung taxi sabi niya, ‘Bumaba kayo diyan, ibalik niyo 'yung wallet ng pasahero ko.’ Tapos 'yun na po. 'Yung lalaki na kinakausap ko tinapon niya sa akin 'yung wallet ko. Tapos sabi niya, ‘Oh ayan nasa bulsa mo lang eh,’ sabi ng working student na biktima.
“Nagkaroon ng konting komosyon at humingi siya ng tulong sa taumbayan at nagkataon naman nandu’n malapit 'yung ating mga kapulisan. Kaya nahuli 'yung mga magnanakaw,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Gemmer Tubiera, hepe ng Batasan Police Station.
Magkapatid ang dalawang lalaking nadakip, habang kinakasama ng nakatatandang lalaki ang babaeng suspek.
Sinabi ng pulisya na miyembro ang tatlo ng tinatawag ng Ipit Gang na nambibiktima ng mga pasahero ng bus.
“Ang kanilang modus po ay didikitan nila 'yung tao at kukunin 'yung gamit. Ginagawa rin po nila minsan ay nililito nila at gagawa sila ng mga scenario para mabaling ang atensyon at 'yung isang kasamahan po nila ay kukunin 'yung gamit,” sabi ni Tubiera.
Nabawi ang ninakaw na wallet ng biktima na may P700 na ipambibili niya sana ng libro sa eskuwelahan.
“May pinaglalaanan na po 'yun for school at saka ilang hours na shift ko na din 'yun sa work. Siyempre, as a call center agents, pinagpupuyatan po talaga namin 'yun at saka pinag-iipunan,” sabi ng working student na biktima.
Itinanggi ng magkapatid na ninakaw nila ang wallet.
“Hindi po namin gawain ‘yun. Nalaglag lang po. ‘Yun lang po, binalik ko na po,” sabi ng 30-anyos na suspek.
“Nagmagandang loob lang po 'yung kuya ko na binalik po 'yung wallet ng babae sa bus. Nalaglag niya po kasi. Tapos nag-aano na po 'yung babae. Tapos nagsabi na nawawala daw po 'yung wallet niya,” sabi ng 26-anyos na suspek.
Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang babae.
“Sa korte na po ako magpapaliwanag,” sabi ng 23-anyos na babaeng suspek.
Nakabilanggo na sa Batasan Police Station ang tatlo na mahaharap sa reklamong theft. —Jamil Santos/AOL GMA News

