Nasawi ang isang 51-anyos na tricycle driver matapos na makasalpukan ang isang motorsiklo sa San Carlos City, Pangasinan.

Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Miyerkoles, sinabing nangyari ang sakuna sa Barangay Agdao.

Sa lakas ng banggaan, humiwalay ang sidecar ng tricycle, at wasak din ang mga motorsiklo.

Dead on arrival sa ospital ang driver ng tricycle, habang kritikal ang lagay ng rider na kaniyang nakabangaan.

Ayon sa pulisya, nag-usap na ang mga pamilya ng mga sangkot sa insidente.

Samantala sa Barangay Mamarlao sa nasabing lungsod pa rin, nasawi naman ang isang 28-anyos na lalaki matapos ding maaksidente habang nagmamaneho ng motorsiklo.

Sa imbestigasyon ng pulisya, nawalan umano ng kontrol ang rider sa kaniyang motorsiklo habang dumadaan sa pakurbadang bahagi ng kalsada.

Tumama ang biktima sa concrete barrier, at hindi na umabot nang buhay nang isugod siya sa ospital.

Sinusubukan pang makuhanan ng pahayag ang mga kamag-anak ng biktima, ayon sa ulat. – FRJ GMA News