Ibinasura ng Korte Suprema (SC) nitong Miyerkoles ang mga petisyong kumukuwestiyon sa desisyon ng Senate impeachment court na ibatay sa bilang ng mga senador na aktuwal na lumalahok sa mga paglilitis ang kinakailangang bilang ng boto para mahatulan si Vice President Sara Duterte.

Ayon sa SC, ibinasura ng En Banc ang mga petisyong inihain nina dating Executive Secretary Vic Rodriguez, Berteni Causing, at Atty. Ernesto Francisco Jr. dahil sa mga procedural ground, kabilang ang kawalan ng legal na standing at pagiging premature ng mga petisyon.

Noong nakaraang linggo, bumoto ang impeachment court na ibatay ang two-thirds na boto na kailangan para sa conviction sa bilang ng mga senador na “legally and factually participating in the impeachment proceedings."

Dahil ito sa nakasaad sa 1987 Constitution na “no person shall be convicted without the concurrence of two-thirds of all the Members of the Senate."

Hiniling ng tatlong petitioner na magpalabas ang SC ng temporary restraining order (TRO) o status quo ante order (SQAO) para pansamantalang pigilan ang pagpapatupad ng naturang ruling.

Hiniling din ni Rodriguez sa SC na ipawalang-bisa ang ruling, at iginiit na sa naging desisyon ng impeachment court, mistulang binago ng mga senador ang Konstitusyon sa pamamagitan ng pagdaragdag ng isang kuwalipikasyo na wala naman sa mismong teksto nito.

Samantala, iginiit nina Causing at Francisco na dapat pa ring isama sa bilang ang mga senador na nananatili sa puwesto, kahit pa nagtatago, nakakulong, o hindi makadalo dahil sa kondisyong medikal.—FRJ GMA News