Kinuyog ng taumbayan ang katiwala ng isang simbahan na naaresto matapos umanong magnakaw sa Tondo, Maynila.
Maga pa rin ang mukha at iniinda pa ng 32-anyos na si alyas Mel ang pananakit ng katawan matapos siyang kuyugin ng mga residente sa Tondo.
Nagnakaw daw kasi siya ng mahigit 15 kilo ng bakal sa isang paradahan ng truck sa bahagi ng Balut sa Tondo nitong Oktubre 2 ng hapon, ayon sa pulisya.
Sa kuha ng CCTV, nakita ang suspek na hirap na hirap maglakad sa bahagi ng Playa Street bitbit ang ninakaw niya na nakalagay sa isang sako.
Maya-maya, makikita na napaupo pa siya sa bangketa at ilang minuto ring nagpahinga.
Ayon sa pulisya, hindi na nahagip ng CCTV ang mga sumunod na pangyayari pero naabutan daw siya sa kanto ng isa sa mga tauhan ng garahe.
"Nagsisigaw ng 'magnanakaw' upang alertuhin 'yung mga tao du'n, at doon may hindi magandang nangyari. Medyo nasaktan itong suspek ng taumbayan. Sakto naman dumating ang ating kapulisan upang rumesponde at nahinto itong pananakit dito sa ating suspek," ayon kay Police Captain Ryan Jay Balagtas, Smokey Mountain PCP Commander, MPD-1.
Nabawi sa kanya ang bakal na ninakaw niya.
Katiwala ng simbahan
Sa imbestigasyon ng pulisya, dito napag-alaman na ang suspek sa krimen ay katiwala pala sa isang simbahan sa Tondo.
"Kaya naman daw niya nagawa itong pagnanakaw dahil sa pangkain... Sabi nga namin, sa simbahan may libreng pagkain du'n... So 'di natin alam kung may iba siyang agenda du'n sa mga ninanakaw niya," sabi ni Balagtas.
"Paulit-ulit na ito kaya napuno na itong complainant sa pagnanakaw dahil lagi lang siyang pinagbibigyan lang, siguro dala ng awa. So this time, hindi na pinatawad at tinuluyan na ng ating complainant," dagdag niya.
Aminado naman ang suspek sa kanyang nagawa at humingi rin siya ng tawad sa may-ari ng pinagnakawan niya.
Nang tanungin kung may pagsisisi siya sa kanyang nagawa, sumagot ang suspek: "Opo, kasi taong simbahan pa naman ako tapos magnanakaw po ako... Isang araw po kong walang kain kaya nagawa ko po 'yun."
"Ginulpi po 'ko ng taumbayan, kaya kinuha po 'ko ng mga pulis para mailayo sa taumbayan... Hanggang ngayon masakit pa rin po 'to," dagdag niya.
Walang planong magsampa ng reklamo ang suspek.
Na-inquest na ang suspek na sinampahan ng reklamong theft.
Sinusubukan pa ng GMA News na makuhanan ng pahayag ang biktima. — BAP/KG GMA News

