Nasawi ang isang lalaking rider matapos na tumama sa poste at sumpleng habang hinahabol ng pulis na sumita sa kaniya sa Bulacan. Pero nais ng pamilya ng rider na papanagutin ang pulis dahil sa paraan ng ginawa nitong paghabol at pinagsalitaan pa umano ng masasakit ang rider kahit nakahandusay na.
Sa ulat ni Tina Panganiban-Perez sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, sinabing nangyari ang insidente noong Setyembre 7, 2026 sa isang intersection sa Sta. Isabel, Malolos, Bulacan
Sa CCTV footage, makikita ang dalawang motorsiklong mabilis na tumatakbo. Hanggang sa sumagi ang motorsiklo ng biktima sa poste, at sumemplang. Makikita rin ang mga spark mula sa mga gulong dahil sa pagkiskis sa kalsada.
Matapos ang aksidente, maririnig ang isang lalaking humabol sa rider na si Police Master Sergeant Patrick Nagal, na minumura ang nakahandusay na rider at inuutusang tumayo. Kasabay nito, maririnig ang mahinang pagdaing ng rider.
“G*ago ka kasi! T***a ka! P*** mo! Tayo! K***a mo! G*go ka! Tatakbuhan mo pa kami, hayop ka,” madidinig na sinasabi ng lalaking nakatayo.
Nakatalaga si Nagal sa Tactical Motorcycle Riding Unit (TMRU) ng Malolos, na ayon sa pulisya ay nagpapatrolya sa lugar nang makita ang rider na si Angelo Mercado, na walang suot na helmet at wala umanong plaka ang motorsiklo.
Sinita ng pulis ang rider pero kumaripas umano ito ng takbo kaya nagkaroon ng habulan.
Hinanakit ng ina ni Mercado, sana ay pinahinto na lang ang anak niya at dapat na itinakbo sa ospital sa halip na pagsalitaan ng masasakit na salita.
“Sana pinahinto na lang po. Hihinto naman po ‘yung anak ko na 'yan eh. [Sana] kinausap ‘yun lang po ‘yung dapat na gawin, hindi ‘yung habulin ka, gitgitin at sipain po. Hindi ko po matanggap, kailangan mabigyan po siya ng hustisya talaga,” sabi ng ginang na si Juvy Aromin.
Hindi na umabot nang buhay sa ospital ang rider.
“Sana tinulungan mong mabuhay. Sana itinakbo mo ‘yung anak ko. Tumatawag ng ‘Ma, ma, ma’ [pero] hindi mo pinansin, pinagmumura mo pa. Pinatatayo pa po siya,” ayon kay Aromin.
Sinabi ni Malolos CPS Chief Investigator PSMS Ronald Rosario, na sinubukan ng pulis na parahin ang biktima, ngunit nagpatuloy umano ito sa pagtakbo.
“Nagco-conduct sila ng motorcycle patrolling, so patrol. And then, napansin po nila na walang helmet at walang palaka,” ani Rosario.
“So ang ginawa po ng TRMU personnel ay pinilit niyang ma-flag down para ma-verify. So ang ginawa naman po nitong rider, base naman po sa CCTV footage, ay nagtuloy-tuloy po siya sa pagtakbo,” dagdag niya.
Pero ayon sa kasamang rider ni Mercado nang mangyari ang insidente, wala silang nakita checkpoint sa lugar pero may mga nakahintong mga pulis.
Ikinuwento ng isang kasamang rider na hinarangan ng isang TMRU officer ang kaniyang motorsiklo at tila akmang sisipain siya.
“May nadaanan po kaming mga nakahintong motor na mga TRMU. Hindi naman po namin pinansin kasi wala naman pong checkpoint. So pagpasok po naming San Pablo, papuntang kalagitnaan po ng… may bigla pong kumut (cut) sa’kin tapos akma pong tatadyakan ako. Tas ’yon na tumakbo na ako, siyempre po nagulat ako,” ayon sa kaibigan.
Naghain na ng reklamo ang pamilya ni Mercado laban sa pulis na humabol sa kaniya.
Patuloy pang iniimbestigahan ng mga awtoridad kung sinipa nga ba ng pulis ang motorsiklo ni Mercado na naging dahilan para sumemplang ito. Gayunman, sinabi ng pulisya na wala pa silang nakikitang ebidensiyang sumusuporta sa naturang alegasyon.
“Hinanap namin kung meron bang alleged na paninipa doon sa insidente. Initially, wala pa kaming nakita na ganong anggulo. Kung may ebidensya patungkol doon sa sinasabi nila na sinipa ay karapatan po nila na ihain ‘yung reklamo na yan,” ani Rosario.
Kasama ring tinitingnan ang mga sinabi ng pulis sa nakahandusay na biktima.
“Sa mga ganyang insidente, sir, maaaring kasong administratibo po ‘yan at ‘yung ganong klase pong pagmumura ay kasalukuyan pa po naming tinatalakay,” paliwanag pa ni Rosario. -- Lyjah Tiffany Bonzo/FRJ GMA News
