Nabangga ng isang TNVS ang ambulansiyang may sakay na sugatang taxi driver na naaksidente sa northbound lane ng EDSA Balintawak, Quezon City. Ang TNVS driver, sinabing posibleng nakaidlip siya habang nagmamaneho.
Sa ulat ni James Agustin sa GMA News Unang Balita nitong Martes, sinabing naganap ang insidente ng 3:40 a.m., kung saan nasira ang harapang bahagi ng kotse matapos sumalpok sa ambulansiya sa northbound lane ng EDSA Balintawak.
Natanggal sa lakas ng pagkakabangga ang pintuan sa gilid ng ambulansiya ng Barangay Unang Sigaw, na rumesponde sa aksidente sa lugar.
Nakasakay sa ambulansiya ang 53-anyos na taxi driver na sugatan matapos namang mabangga ng motorsiklo.
“Basta nakahiga lang ako eh. Tapos sumalpok na eh. Kaya napatayo ako eh. Masakit 'yung dibdib ko tapos 'yung kamay ko tapos 'yung kanang tuhod,” sabi ng taxi driver.
“Mabilis po siguro sir kasi 'yung impact po sa amin talaga, tsaka kaya pumutok 'yung airbag niya eh. Kasi nagulat din kami eh. Ang lakas po ng pagkakabangga eh. Talagang 'yung ulo ko 'yung (napauntog) sa manibela eh. Kasi paandar pa lang ako, biglang may sumalpok na sa likod ko,” sabi ni Dennis Delos Reyes, driver ng ambulansiya.
Bahagya ring nasugatan sa kamay ang 32-anyos sa driver ng kotse na isang TNVS, na ihahatid sa Valenzuela ang sakay na pasahero mula sa Pasay.
“Doon pa ako, nakita ko na ang ambulansiya. Ewan ko kung saan, bakit diyan. Hindi ko alam ‘yan. Baka ganiyan ‘yan. Oo, baka nga ‘yan, naka-idlip,” pag-amin ng TNVS driver.
Inilipat ng ibang ambulansiya ang sugatang taxi driver para maidala sa ospital.
Nagsasagawa pa rin ng imbestigasyon ang QCPD Traffic Sector 1 sa aksidente. – Jamil Santos/FRJ GMA News
