Malubhang nasugatan ang isang 47-anyos na tricycle driver matapos siyang saksakin ng kaniyang kakilalang lalaki sa Barangay Longos, Malabon. Ang suspek, nagalit umano nang dahil sa kape.

Sa ulat ni Gabriel Gonzales sa GMA News Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing nangayari ang insidente nitong Lunes.

Naghihintay umano ang biktima ng pasahero at pinupunasan ang kaniyang tricycle nang lapitan at saksakin siya sa likuran ng lalaking kakilala niya.

Nagawa namang makatakbo ang biktima pero hinabol siya ng suspek. Nang abutan, muling nasaksak ang biktima sa likod.

Tatlong saksak ang tinamo ng biktima sa likuran.

“Kasi lagi binibigyan ng kumpare ko ng kape ‘yon. Tinuro niya sa tindahan na ‘Kuha ka na roon, sabihin mo sa akin.’ Eh siguro pagkakaisip nu’ng ***, niloloko lang siya. ‘Yung pagbalik, sinaksak siya,” sabi ng saksing si Wendy Guillermo.

Nagkasa ng follow-up operation ang pulisya na humantong sa pagkakadakip sa suspek. Gayunman, hindi na narekober ang patalim na kaniyang ginamit.

Positibong kinilala ng biktima ang suspek.

Sinabi ng barangay na dati nang may kaso sa kanila ang suspek, at hinihinalang nawawala sa sariling pag-iisip.

“May dati ng kaso yan, 'yung sinaksak 'yung kapatid. Walang hanapbuhay ‘yan. Gala-gala lang 'yung nanaksak,” sabi ni Christopher Mercado, BPSO ng Barangay Longos, Malabon.

“Wala siya sa isip niya ganu’n. Tapos pinapagamot naman ng mga kapatid. Eh siguro minsan mag-isa lang siya diyan sa bahay nila. Nagugutuman. And then hindi nakakainom ng gamot,” sabi ni Guillermo.

Sinusubukan pa ng GMA News na hingian ng pahayag ang biktima na kasalukuyang nagpapagaling sa ospital, at ang suspek na nakabilanggo sa Malabon City Police Station.

Naharap ang suspek sa reklamong frustrated homicide. -- Jamil Santos/FRJ GMA News