Lubos na sinusuportahan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) nitong Sabado ang Council for the Welfare of Children (CWC), ang sakop nitong ahensya, sa pag-alma sa paggamit ng seksuwal na katatawanan na kinasasangkutan ng mga bata sa mga comedy set at online content.

Sa isang pahayag, binanggit ng DSWD ang isang pahayag kamakailan ng komedyanteng si JP Aguilera ng Pencilbox Comedy, na gumamit ng mga palaruan at ang koneksyon ng mga ito sa mga bata bilang isang seksuwal na reperensiya.

“The DSWD stands firmly behind the CWC in reminding performers and content creators, and of course everyone, that children must never be reduced to punchlines or subjects of sexual insinuations,” sabi ni DSWD spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao.

Sinabi ni Dumlao na bagama't pinahahalagahan ang malikhaing pagpapahayag, nanganganib na maging normal ang hindi naaangkop na pagtrato sa menor de edad sa mga biro na nagpapababa sa kanilang kahinaan.

Binanggit ng DSWD ang Seksyon 4 (n) ng Republic Act (RA) No. 11930, o ang Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children (OSAEC) at Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials (CSAEM) Act, na mahigpit na ipinagbabawal ang seksuwal na pang-aabuso sa mga bata sa pamamagitan ng pagpapakita sa mga menor de edad bilang mga bagay ng seksuwal na pantasya o paggamit sa mga bata bilang paksa ng mga seksuwal na pantasya sa anumang online o digital platform.

Ayon pa sa ahensiya, nahaharap ang mga lumalabag sa ilalim ng batas sa parusa ng reclusion temporal sa pinakamataas na panahon nito at multa mula P800,000 hanggang P1 milyon.

“Hindi dapat ginagawang biro ang dignidad at kaligtasan ng mga bata dahil responsibilidad ng lahat na protektahan ang mga kabataan laban sa anumang uri ng pang-aabuso at pagsasamantala, lalo na sa social media at iba pang digital platforms,” sabi ni Dumlao.

Inulit din ng DSWD ang panawagan ni CWC Executive Director Undersecretary Angelo Tapales para sa mga entertainer, media practitioner, at digital content creator na sundin ang CWC Guide for Media Practitioners in the Reporting and Coverage of Children para matiyak na iginagalang sa lahat ng oras ang privacy, dignidad, at pinakamahusay na interes ng mga menor de edad.

“Nananawagan ang DSWD sa mga nasa entertainment industry at content creation na maging responsable sa bawat materyal na inilalabas sa publiko dahil malaki ang epekto ng mga salita sa kung paano tinatrato ng lipunan ang mga bata,” sabi ni Dumlao.

Nakipag-ugnayan ang GMA News Online sa Pencilbox Comedy para makuha ang kanilang mga komento at ia-update ang balitang ito sa sandaling maglabas ito ng pahayag. —VBL GMA News