Nasa 70 pamilya ang nasunugan habang isa ang sugatan matapos sumiklab ang sunog sa Novaliches, Quezon City. Ang mga bumbero, pahirapan na mag-apula dahil sa double parking ng mga sasakyan.
Sa ulat ni Gabriel Gonzales sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing sumiklab ang sunog sa isang residential area sa Bagong Landas De Jesus Compound sa Barangay San Agustin Biyernes ng gabi.
Umabot ang sunog sa ikatlong alarma.
Umakyat sa bubong ang mga residente para maapula ang apoy dahil sa mabilisang pagkalat ng apoy sa mga bahay na gawa sa light materials.
Nagsilikas naman sa kalapit ng simbahan ang mga apektadong residente.
Batay sa isang nasunugan, mabilis ang pagkalat ng apoy. Binuksan muna ang barangay hall ng San Agustin bilang evacuation center.
Tuluyang naapula ang sunog bago maghatinggabi.
Sinabi ng Bureau of Fire Protection na pahirapan ang firefighting operation nila.
“Naglalabasan po ng mga gamit ‘yung mga residente. Sinasalubong nila ‘yung paglapit ng ating mga tropang bumbero. ‘Yun ‘yung isa sa nagpa-delay. Tapos mapapansin niyo makikitid ‘yung kalsada po rito sa pinangyarihan at double parking din po,” sabi ni Fire Senior Inspector Erickson Guila, Commander ng Station 5, Quezon City Fire District.
Nagtamo ng second degree burn sa braso at dibdib ang isang 59-anyos na lalaki.
Batay sa tala ng BFP, nasa 70 pamilya o tinatayang 200 indibiduwal ang nawalan ng tirahan sa sunog.
Natupok ang humigit kumulang 40 bahay.
Patuloy ang imbestigasyon ng BFP sa sanhi ng sunog at halaga ng mga natupok na ari-arian. — Jamil Santos/VBL GMA News
