Tinukoy ni Interior Secretary Jonvic Remulla ang politiko mula sa Mindanao na umano’y sangkot sa tangkang pagpupuslit ng shabu na nagkakahalaga ng P3.5 bilyon mula sa Laos na patungong Pilipinas.
Sa Palace briefing nitong Biyernes, kinilala ni Remulla ang Mindanao politician na si Edriezan Hadji Nasser Rimbang, dating miyembro ng Bangsamoro Parliament.
Ipinakita rin sa pulong balitaan ang diagram na nag-uugnay sa mga tao na umano’y sangkot sa planong pagpupuslit ng 521 kilo ng hinihinalang methamphetamine hydrochloride o shabu.
“Sultan Edriezan Rimbang is believed to be the financier of the entire operation,” ani Remulla.
“Edrieza Rimbang Nasser was a former member of parliament. Natalo siya nung huling election,” dagdag ng kalihim.
Sinisikap ng GMA News Online na makuha ang panig ni Rimbang, at ilalathala ito kung mayroon na.
Ayon kay Remulla, asawa ni Edriezan Rimbang si Princess Rohaniah Rimbang, na kapatid ng asawa ng lalaking gumagamit ng alyas na “Fahad,” na inaresto sa isang paliparan sa Laos.
Idinagdag ni Remulla na binayaran umano ni Rimbang si Police Master Sergeant Aileen Jane Manalo Mendoza para sa landing rights at sa pribadong hangar na dapat lalapagan ng eroplanong manggagaling sa Laos noong huling linggo ng Setyembre.
Ayon kay Remulla, kinuha ni Captain Rioklyn Toledo, na gumagamit ng alyas na “Boyet,” ang pribadong eroplano na mula sa Malaysia patungong Laos.
"Toledo is a licensed pilot, formerly of a major airline. But had a reputation for drug dealing that's why he was fired," ani Remulla.
"Toledo contacted… Aileen Manalo [Mendoza]. She secured the MAPTRA hangar kung saan dapat ide-deliver," sabi pa ng kalihim.
Pero nilinaw ni Remulla na hindi kailanman lumapag o lumipad mula sa Pilipinas ang eroplanong sangkot sa insidente.
“It would have been the first attempt to land here in the Philippines,” dagdag niya.
Kinumpirma rin ni Philippine National Police (PNP) chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr. sa parehong press briefing na inalis na si Mendoza sa kaniyang puwesto at kasalukuyang nasa ilalim ng restrictive custody ng Aviation Security Group.
“While alias Sultan is reportedly here in the Philippines,” ayon kay Nartatez.
Sinabi rin ni Nartates na natukoy na nila ang hindi bababa sa 13 katao na sangkot umano sa naturang plano.
Ayon kay Remulla, kabilang si Rimbang sa partido ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Nilinaw din ng kalihim na wala silang tinutukoy o isinasangkot na anumang ethnic group, lungsod, o grupo ng mga tao. Inilalantad lang umano nila ang mga persons of interest sa insidente.
“This is to counter the narrative that people are developing that people from Manila are the ones involved in this caper. This operation was between Sultan Edriezan Rimbang Nasser and his cohorts,” sabi ni Remulla.
Nang tanungin kung posibleng may iba pang mga politiko mula sa Mindanao na sangkot sa plano, sinabi ni Remulla na hindi nila inaalis ang posibilidad na ito. Gayunman, si Rimbang pa lamang umano ang nauugnay sa kaso sa ngayon.
Kasunod ng pagkakatuklas na ito, hiniling ni Remulla sa Kongreso na magpasa ng batas na tutukoy sa mga grupong sangkot sa narco-trafficking bilang terrorist organization.
“In that way, kung i-label na na terrorist organization ang mga narco-organizations, ang law enforcement agencies all around the world will cooperate with us in an easier way if they are counted as terrorists,” paliwanag niya.
Noong Huwebes, sinabi ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na isang politiko mula sa Mindanao ang nagbigay umano ng pondo para sa pribadong eroplanong gagamitin sa pagpupuslit ng mga ilegal na droga.– FRJ GMA News

