Kinapos ang lakas ni Alexandra “Alex” Eala sa laban niya kontra sa world No. 13 na si Diana Shnaider matapos matalo sa iskor na 7-5, 6-4 sa Round of 16 ng Ningbo Open sa China nitong Huwebes.

Lamang si Eala, 4-3 sa dikdikang unang set bago naipanalo ni Shnaider ang sumunod na dalawang laro upang mapalapit sa pagkuha ng set.

Nakabawi si Eala at naitabla ang iskor, ngunit muling nanaig si Shnaider sa sumunod na dalawang laro upang tuluyang makuha ang unang set.

Naging dikdikan din ang ikalawang set, na nagsalitan sila sa pagkuha sa bawat laro, hanggang sa magtabla sa 4-4. Gayunman, nakalamang si Shnaider para nasungkit muli ang set.

Hindi naman basta sumuko si Eala sa huling laro. Napilitan si Shnaider na iligtas ang pitong match point bago tuluyang maisara ang laban.

Tumagal nang humigit-kumulang 10 minuto ang nasabing laro, habang halos dalawang oras naman bago natapos ang buong laban.

Kinilala ni Shnaider ang mahusay na laro ni Eala at inilarawan ang kanilang paghaharap bilang isa sa pinakamagagandang naging laban niya.

“I think this is one of the best matches I've played recently. My opponent, Eala, played very well,” ani Shnaider.

“She's very aggressive and often has a few shots on the line. It puts a lot of pressure on me. I'm very happy to be able to find a great way to win this match,” dagdag niya.

Sunod na makakaharap ni Shnaider si Iva Jovic, na nagwagi laban kay Jasmine Paolini.

-- FRJ GMA News