Inihayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na libre hanggang sa katapusan ng 2026 ang paggamit sa bagong bukas na North Luzon Expressway (NLEX) C5 Northlink Segment 8.2 Section 1A, na nagdurugtong sa Quezon City at Valenzuela City.
May habang dalawang kilometro ang bahagi ng NLEX-C5 Northlink na direktang nag-uugnay sa Mindanao Avenue at Quirino Highway sa Bagbag, Novaliches.
"Libre ang pagdaan dito ngayon until end of the year," sabi ni Marcos.
Ayon kay Marcos, napapanahon ang pagbubukas ng Segment 8.2 Section 1A upang makatulong na maibsan ang matinding trapiko sa pagdagsa ng mga bibiyahe para sa Undas.
"Kahit maikli lang, dalawang kilometro, napakalaking bagay dahil ang dinadaanan ngayon ay napakalayo bago umiikot at pabababa sa surface road, dadaanan ng traffic, siguro 40 to 45 minutes ngayon. Pagbukas nito, 5 minuto na lang," dagdag niya.
Inihayag din ng Pangulo na mamuhunan ng P120 bilyon ang MVP Group, katuwang ang San Miguel Corporation (SMC), para sa proyektong mag-uugnay sa Balintawak at Bocaue, Bulacan.
"Maglalagay sila ng elevated na daan mula Balintawak hanggang Bocaue. Napakalaking bagay nito dahil ito ay idadaan nila doon sa may highway na ngayon, maglalagay sila ng elevated," paliwanag ni Marcos.
"Ibang iba ang magiging karanasan, ang traveling experience para sa mga commuter natin kapag natapos na 'yan. Napakalaking investment na gagawin ng MVP Group at siyempre kasama nila ang SM[C] Group dahil kailangan nilang mag-coordinate," dagdag ng pangulo.— FRJ GMA News

