Sugatan ang isang vendor at kumalat ang kaniyang mga paninda matapos masalpok ng pagewang-gewang na kotse ang kaniyang tricycle food cart sa Alangalang, Leyte. Ang driver, hindi tumigil.
Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Biyernes, nakuhanan ng dashcam ang pagsalpok ng kotse sa tricycle food cart na nasa unahan niya. Sa lakas ng pagkakabangga, natumba ang food cart kaya nagkalat ng mga paninda ng vendor sa kalsada.
Sinabi ng uploader ng video, malayo pa lamang ay pagewang-gewang na umano ang takbo ng kotse sa highway.
Naharang at nadakip naman kalaunan ang tumakas na driver sa bayan ng Santa Fe. Nailipat na ang kustodiya niya sa Alangalang Police.
Sinampahan siya ng nasugatang biktima ng patong-patong na reklamo.
Samantala, sinuspinde na ng Land Transportation Office ang lisensiya ng driver ng kotse at pinagpapaliwanag sa nangyaring insidente.—Jamil Santos/FRJ GMA News
