Isang bangkay ng lalaki ang natagpuang palutang-lutang sa Barangay Tangos North, Navotas.
Sa ulat ni Gabriel Gonzales ng GMA News sa Super Radyo dzBB, sinabi ng barangay na nakita ng mga mangingisda na palutang-lutang sa laot ang bangkay, na nakasuot ng shorts at long sleeves.
Itinali muna ang bangkay sa mabasurang bahagi ng pampang para hindi anurin, saka ito ini-report sa mga kawani ng Philippine Coast Guard sa lugar.
Inabutan na ng mga awtoridad ang bangkay Miyerkoles ng madaling araw.
BABALA: Sensitibong balita na may kinalaman sa pagkasawi. Maging disente sa pagkomento. Natagpuang palutang-lutang sa laot ang bangkay ng isang lalaki sa Brgy. Tangos North, Navotas. Hindi pa nakikilala ang lalaki at hinihintay pang may lumapit na kaanak nito. | via @GabGonzales42 Bisitahin ang https://t.co/bAMF9JOAN0 para sa iba pang updates.
— GMA News (@gmanews) November 20, 2026
“Pagdating po namin doon sir, andoon na po siya sa pampang na nakatali na po siya sa bewang para hindi na po siya anurin. Nakadapa po siya kaya hindi namin makita ‘yung mukha niya. Ano na po siya, lobo na po, mataba na po ‘yung mukha niya,” sabi ni Marites Imperial, BPSO ng Barangay Tangos North sa Navotas City.
Sinabi ng barangay na tinatayang 40-anyos pataas na ang biktima at hinihinalang ilang araw na umanong nagpapalutang-lutang sa laot.
“Sabi nila baka raw nahulog. Kasama sa bangka, nahulog tapos hindi marunong lumangoy, kasi wala namang pong tama,” sabi ni Imperial.
Papalaot na sana noong madaling araw ng araw na iyon ang isa sa mga nakakitang residente.
"Noong dinala po siya diyan, pagbaba ako ng Tangos sa madaling araw, nandiyan na 'yung patay. Tapos nu’ng umuwi ako galing Market 3, pagbalik ko nadoon pa rin 'yung patay,” sabi ni Donabell Santiago, isa sa mga nakakita sa bangkay.
Kinordonan muna ang lugar kung saan dinala ang bangkay na umaalingasaw na noon. Na-retrieve ang bangkay bandang hapon na, pero sinabi ng barangay na wala pang lumalapit na kaanak ng lalaki.
Nananawagan sila sa may impormasyon patungkol sa lalaki na makipag-ugnayan sa kanila.
Nasa kustodiya na ng punerarya ang bangkay.
Patuloy ang pag-iimbestiga ng mga awtoridad para matukoy ang kaniyang pagkakakilanlan. —Jamil Santos/ VAL GMA News

