Nasawi ang isang lalaki matapos mahulog mula sa parking lot ng isang gusali ang sinasakyan niyang kotse sa Makati City.

Sa ulat ni JP Soriano nitong Huwebes, sinabing nangyari ang insidente dakong 11:40 ng umaga sa Jimenez Street, Barangay San Lorenzo.

Ayon sa mga saksi, nakarinig sila ng komosyon bago nahulog sa kalsada ang sasakyan.

Makikita sa kuha ng security camera ang malakas na pagbagsak ng kotse at magtakbuhan palayo ang ilang tao sa lugar.

Rumesponde sa lugar ang Philippine National Police Scene of the Crime Operatives (PNP SOCO) at iba pang awtoridad. Pansamantalang isinara at kinordonan ang kalsada habang iniimbestigahan ang insidente.

Kinumpirma ng mga awtoridad na nasawi ang lalaking nagmamaneho ng sasakyan.

Sa tindi ng pagbagsak, tumilapon ang ilang piyesa at debris ng sasakyan ng hanggang 20 metro ang layo. Sa kabila nito, walang nadamay o nasaktan na ibang tao. –Jean Mangaluz/FRJ GMA News