Nasabat ng mga tauhan ng Bureau of Customs sa Ninoy Aquino International Airport ang nasa 350 kilo ng ilegal na droga sa anim na inbound shipments na sinuri sa isang bodega sa Pasay City nitong Biyernes.
Sa isang pahayag, sinabi ng BOC na nasabat ng mga tauhan nito ang mga high-grade marijuana o kush, methamphetamine hydrochloride o shabu, at acetylcodeine.
Kabilang sa mga nasamsam ang 307.866 kilo ng kush mula sa dalawang shipment na nagmula sa Thailand at ipinadala ng iisang shipper.
Sa isang shipment naman na nakatakdang ipadala sa Bulacan, nasamsam ang 54.382 kilo ng kush na tinatayang nagkakahalaga ng P65.26 milyon. Samantala, nakumpiska naman ang 484 kilo na tinatayang nagkakahalaga ng P304.18 milyon mula sa isa pang shipment na nakalaan para sa Caloocan.
Idineklara ang mga ilegal na droga bilang mga laruan ng bata sa dalawang shipment.
Nasabat din ng mga tauhan ng Customs ang 42.884 kilo ng shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P291.61 milyon mula sa tatlong shipment.
Mula sa Kenya ang isang shipment na naglalaman ng 39.418 kilo ng shabu, habang ang dalawang shipment naman mula sa Malaysia ay may 2.630 kilo at 0.836 kilo, ayon sa pagkakasunod.
Samantala, may nasamsam ding isang gramo ng acetylcodeine na nagkakahalaga ng P1,508 mula sa hiwalay na shipment na nagmula sa Canada.
WATCH: K9 ng PDEA, inupuan ang ilang mga naharang na shipment ng Bureau of Customs (BOC) sa Port of NAIA indikasyon na may presensya ito ng ilegal na droga. | via @luisitosantos03 https://t.co/qgui11hGe5
— DZBB Super Radyo (@dzbb) November 27, 2026
Mula Enero 2026, nakasamsam na ang BOC ng tinatayang P7.92 bilyong halaga ng iligal na droga sa 414 operasyon sa buong bansa.—FRJ GMA News

