Isang mag-live-in partner ang nasawi matapos silang pagbabarilin sa loob ng kanilang bahay sa Impasug-ong, Bukidnon. Ang suspek, ang dating kinakasama ng babaeng biktima.

Batay sa impormasyon ng GMA Regional TV, na iniulat sa Balitanghali nitong Biyernes, lumabas sa imbestigasyon na biglang pumasok ang suspek sa bahay at doon isinagawa ang krimen.

Nasaksihan ng anak ng babaeng biktima ang pamamaril. Tinukoy niya ang suspek bilang kaniyang ama.

Maliban sa selos, isa pa sa mga tinitingnang motibo ng krimen ang away ng mga biktima at suspek kaugnay ng lupa na dati nang naiparating sa kanilang barangay.

Patuloy ang pagtugis ng mga awtoridad sa suspek.

Sinusubukan pang kunan ng pahayag ang pamilya ng mga biktima, ayon sa ulat. —Jamil Santos/LDF GMA News