Dalawa ang patay habang pito ang sugatan matapos magkaroon ng pagsabog na sinundan ng sunog sa isang tatlong palapag na bahay sa Barangay 5 sa Tondo, Maynila, Biyernes ng umaga.

Sa ulat ni Manny Vargas ng Super Radyo dzBB, sinabing kinumpirma ni Fire Chief Inspector Demetrio Sablan, hepe ng operations ng Manila Fire Department ang pagkasawi ng dalawang residente sa may Sto. Cristo Street.

Dahi sa lakas ng pagsabog, nasira pati ang pader ng isang katabing bahay na gawa sa konkreto kaya nagkalat ang debris sa naturang bahay na gawa rin sa bato.

Bukod dito, wasak din ang ilan pang mga bahay sa harapang bahagi ng Sto. Cristo Street. Kasama sa tinamaan ng debris ang isang air-conditioning unit na nayupi dahil sa tindi ng pressure.

Kabilang sa pitong sugatan ang mga residente at mga bata, na dinala sa Mary Johnston Hospital.

Nasa maselang kondisyon ang isang pitong buwang gulang na sanggol na tinutugunan na ng mga doktor.

Kasalukuyang nasa lockdown ang lugar dahil sa panganib ng pagguho ng bahay kung saan naganap ang insidente ng pagsabog.

Dumating na ang mga tauhan ng Manila Police District Explosive and Ordnance Division para magsagawa ng hiwalay na imbestigasyon at masiguro na ligtas ang lugar.

Saka naman kikilos ang mga tauhan ng MPD SOCO para magsagawa ng imbestigasyon sa mga nasawing biktima, at ang arson investigators ng Bureau of Fire Protection sa pinangyarihan ng sunog.

Nagkakahalaga ng P50,000 ang mga ari-ariang nawasak sa sunog na nangyari bandang alas 10 a.m.

Batay sa Manila City Disaster Risk Reduction and Management Department, idineklara ang first alarm 10:14 ng umaga, Nakontrol ang apoy 10:33 ng umaga at idineklara itong tuluyan nang naapula 10:44 ng umaga. —AOL GMA News