Nakatakdang maglabas ang Social Security System (SSS) ng kabuuang P45.26 bilyon pondo para sa 13th-month pension at regular na pensiyon sa dalawang batch simula sa Disyembre 1, 2026 para sa holiday season.

Ayon sa SSS, unang ilalabas sa Martes, Disyembre 1, ang unang batch na nagkakahalaga ng P25.33 bilyon. Saklaw nito ang tinatayang 2.39 milyong pensioner na tumatanggap ng kanilang benepisyo sa pamamagitan ng SSS at Employees’ Compensation (EC) pension accounts.

Ilalabas naman ang ikalawang batch sa susunod na Biyernes, Disyembre 4, na nagkakahalaga ng P19.88 bilyon, na mapapakinabangan ng tinatayang 1.70 milyong pensioners.

“This is our way of giving back to our pensioners, who contributed to the system during their productive years. We hope this additional benefit brings joy and relief to them and their families this Christmas,” sabi ni SSS president and chief executive officer Victor Alfonso Limlingan sa isang emailed statement nitong Biyernes.

Maglalabas din ang SSS ng P28.81 milyon para sa 13th-month pension at pensiyon para sa Disyembre 2026 ng mahigit 3,798 pensioner na gumagamit ng mga bangkong hindi kabilang sa PESONet participating banks at ng mga tumatanggap ng tseke.

“Pensioners with non-PESONet participating banks will receive their pensions on 4 December 2026. We have also asked the Philippine Postal Corporation to expedite the delivery of pension checks to pensioners’ registered home addresses,” dagdag ni Limlingan.

Ayon sa SSS, ang pagtaas ng halaga ng 13th-month pension at December pension ngayong taon ay dahil sa pagpapatupad ng ikalawang tranche ng dagdag-pensiyon sa ilalim ng Pension Reform Program.

Sa ilalim ng programa, makatatanggap ang mga pensioner ng taunang dagdag-pensiyon na 10% para sa mga retirado at may kapansanan, at 5% para sa mga benepisyaryo ng death at survivor pension, tuwing Setyembre mula 2025 hanggang 2027.

Nilinaw din ni Limlingan na ang mga retirement at survivor pensioner ay makatatanggap ng 13th-month pension na katumbas ng kanilang regular na buwanang pensiyon. Samantala, ang mga total disability pensioner ay makatatanggap ng halagang katumbas ng kanilang buwanang pensiyon, hindi kasama ang medical allowance.

“Members’ children receiving dependents’ pensions are also entitled to the 13th month pension. Partial disability pensioners may also receive it if they have a pension duration of at least 12 months,” anang opisyal.—FRJ GMA News