Isang parking attendant ang pinagtulungang hatakin at pinagsusuntok pa bago isinakay sa van ng apat na hindi pa nakikilalang mga lalaki sa Dasmariñas City, Cavite.

Sa GMA News "Unang Balita" nitong Biyernes, ipinakita sa CCTV ang pagdating ng isang puting van, na nag-hazard pa bago tumabi sa gilid ng kalsada.

Inabangan nila ang parking attendant na si alyas "Tobal," na siya namang pagdaan nito. 

Dito na lumabas ang isang lalaki para hatakin si "Tobal," ngunit nakalayo ang biktima kaya lumabas pa sa van ang dalawang salarin.

Ngunit nahirapan pa rin ang tatlo kaya lumabas na rin ang ikaapat na lalaki para tumulong.

Ginulpi nila ang biktima bago nila isinakay sa van.

Napatingin na lamang ang mga tao sa pagdukot sa biktima at pagharurot ng van.

Mga nakasumbrero at nakatakip umano ang mga salarin, ayon sa mga saksi.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang motibo sa pagdukot. —Jamil Joseph Santos/LBG, GMA News