Nakikipag-ugnayan ang embahada ng Pilipinas sa Madrid sa mga awtoridad upang alamin kung may Pilipino na nadamay sa nangyaring banggaan ng dalawang high-speed train sa southern Spain.
Sa ulat ng Reuters, nasa 39 katao umano ang nasawi at 122 ang sugatan nang madiskaril ang isang high-speed train at bumangga sa isa pang tren malapit sa Adamuz sa lalawigan ng Cordoba sa Spain nitong Linggo ng gabi.
"Our thoughts are with the victims, their families and all those affected," saad sa inilabas na pahayag ng embahada.
Nasa 300 katao ang sakay sa isang tren, at nasa 100 naman sa isa pang tren, ayon sa mga lumabas na ulat.
"Emergency services are responding to the scene. All rail services between Madrid and Andalusia were suspended following the accident and are expected to remain closed on Monday, 19 January 2026," ayon pa sa abiso ng embahada.
Hinimok ng mga opisyal ng Espanya sa rehiyon ng Andalusia ang sinumang nakaligtas sa banggaan na ipaalam sa kanilang mga kaibigan at pamilya ang kanilang kalagayan.
Nagbigay naman ang mga kumpanya ng tren ng mga sumusunod na numero ng telepono para sa mga katanungan tungkol sa mga kamag-anak o mahal sa buhay na sakay ng mga tren:
Renfe: +34 900 101 020
Iryo: +34 900 001 402
—Michaela Del Callar/FRJ GMA Integrated News
