Inihayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ngayong Lunes na may nadiskubreng panibagong natural gas reservoir sa Malampaya Field sa Palawan, na magpapatibay sa gas supply ng bansa sa mga darating na taon.

Sa isang video message, sinabi ni Marcos na ang natuklasang reservoir, na tinawag na Malampaya East 1 o MAE-1, ay natagpuan sa layong limang kilometro sa silangan ng kasalukuyang Malampaya Field.

Tinatayang may deposito ito ng humigit-kumulang 98 bilyong cubic feet ng natural gas.

''Katumbas nito ang halos labing apat na bilyong kilowatt hour ng kuryente sa isang taon. Ibig sabihin, makakapagsuplay ito ng kuryente sa mahigit 5.7 milyong kabahayan, siyam na libo’t limang daan na gusali, o halos dalawang daan libong paaralan sa loob ng isang taon,'' ayon kay Marcos.

Ayon pa kay Marcos, batay sa paunang pagsusuri, umabot sa 60 milyong cubic feet kada araw ang daloy ng gas mula sa balon, na nagpapahiwatig na may potensiyal na mas malaki ang deposito nito kumpara sa orihinal na Malampaya wells.

''Aside from the natural gas, the discovery also includes condensate, which is a high-value liquid fuel,'' dagdag ng pangulo. ''This additional research can help support the government’s efforts for the stabilization of our power supply.”

Pinangunahan ng mga Pilipino ang pag-drill sa naturang gas field, ayon kay Marcos, at wala umanong naganap na anumang hindi kanais-nais na insidente sa buong proseso.

Sinabi rin ni Marcos na ang MAE-1 ang unang mahalagang tagumpay sa ilalim ng Malampaya Phase 4 drilling campaign, na kinabibilangan din ng mga balon ng Camago-2 at Bagong Pag-asa.

''The next steps are the completion and testing of the Camago-3, followed by the drilling of the Pag-asa Exploration well to pursue more potential gas resources,'' ayon kay Marcos.

Sinabi ng pangulo, naging posible ang tagumpay ang paghahanap ng natural gas deposits na ginawa ng SC-38 Consortium, na pinamumunuan ng Prime Energy, katuwang ang UC-38, PNOC Exploration Corporation, at Prime Oil and Gas Incorporated.

''Patunay ito na sa responsableng pangangalaga sa kalikasan at matibay na pagtutulungan ng gobyerno at pribadong sektor, makakamit natin ang mas maasahang supply ng enerhiya para sa bawat Pilipino,'' ani Marcos.— Anna Felicia Bajo/FRJ GMA Integrated News