Nasa 39 katao ang nasawi at 122 ang sugatan nang madiskaril ang isang high-speed train at bumangga sa isa pang tren malapit sa Adamuz sa lalawigan ng Cordoba sa Spain nitong Linggo ng gabi.

Sa ulat ng Reuters, sinabing 48 pa sa mga sugatan ang nasa ospital at 12 ang nasa intensive care, ayon sa emergency services. 

Walang pang pahayag mula sa Department of Foreign Affairs at Department of Migrant Workers ng Pilipinas kung may Pilipino sa mga biktima ng sakuna.

Ayon sa state broadcaster Television Espanola, kabilang sa mga nasawi ang isa sa mga driver ng tren na mula sa Madrid at patungong Huelva.

"The Iryo 6189 Malaga - (to Madrid) train has derailed from the track at Adamuz, crashing onto the adjacent track. The (Madrid) to Huelva train which was traveling on the adjacent track has also derailed," saad sa social media post ngi Adif, na namamahal sa rail network.

Sinabi ng Adif na naganap ang aksidente bandang alas-6:40 ng gabi (1740 GMT), humigit-kumulang 10 minuto matapos umalis ang Iryo train mula Cordoba patungong Madrid.

Ang Iryo ay isang pribadong rail operator na mayoryang pagmamay-ari ng Italian state-controlled railway group na Ferrovie dello Stato. Sangkot sa insidente ang isang tren na Freccia 1000 na bumibiyahe sa rutang Malaga–Madrid, ayon sa isang tagapagsalita ng Ferrovie dello Stato.

Sa isang pahayag, labis na ikinalungkot ng kompanya ang nangyari at agad nitong ipinatupad ang lahat ng emergency protocol upang makipagtulungan sa mga kaukulang awtoridad sa pamamahala ng sitwasyon.

Pinatatakbo naman ng Renfe ang ikalawang tren na hindi rin tumugon sa kahilingan para makuhanan ng komento.

Pansamantalang sinuspinde ng Adif ang lahat ng biyahe ng tren sa pagitan ng Madrid at Andalusia.

Mahigit 300 pasahero umano ang sakay ng Iryo train, habang humigit-kumulang 100 naman ang sakay ng tren ng Renfe.

Sinabi ni Paco Carmona, hepe ng Cordoba fire bureau, sa TVE na nailikas na ang mga nakasakay sa unang tren na patungong Madrid mula sa Malaga. Pero lubha umanong napinsala ang isa pang tren.

"There are still people trapped. We don't know how many people have died and the operation is concentrating on getting people out of areas which are very narrow," saad niya. "We have to remove the bodies to reach anyone who is still alive. It is proving to be a complicated task."

Sinabi ni Transport Minister Oscar Puente, na personal niyang mino-monitor ang mga pangyayari mula sa punong tanggapan ng Adif sa Madrid.

"The latest information is very serious," saad niya sa X. "The impact was terrible, causing the first two carriages of the Renfe train to be thrown off the track. The number of victims cannot be confirmed at this time. The most important thing now is to help the victims."

Sinabi ng alkalde ng Adamuz na si Rafael Moreno sa pahayagang El Pais, na isa sa mga unang dumating sa lugar ng aksidente kasama ang pulisya, at nakita ang matinding pinsala sa nangyaring sakuna.

"The scene is horrific," aniya. "I don't think they were on the same track, but it's not clear. Now the mayors and residents of the area are focused on helping the passengers." — mula sa ulat ng Reuters/FRJ GMA Integrated News