May aaminin kaya si Fred Moser tungkol sa kaniyang nararamdaman para sa kapuwa dating housemate na si Princess Aliyah nang magkasama sila sa “Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition 2.0?” Alamin.
Sa episode ng “Fast Talk With Boy Abunda” nitong Lunes, tinanong ang Kapamilya actor kung na-in love ba talaga siya kay Princess.
“Tito Boy, I would say yes,” sagot ni Fred.
“Kasi ‘yun naman Tito Boy eh. Eighty-four days kaming magkasama araw-araw and the house is full of emotions talaga. Naturally, you’ll just develop feelings talaga,” paliwanag ng binata.
Tinanong din ni Tito Boy si Fred kung itutuloy ba niya ang pagsuyo kay Princess sa outside world, o sa paglabas nila sa bahay ni Kuya.
“For now, it’s mutual, but we still have a lot of things to talk about outside,” tugon niya.
Sa kabila ng umuusbong na magandang pagtitinginan ng dalawa, nauna nang inihayag ng Sparkle actress na magkaibigan lang sila.
Nilinaw din ni Princess ang boundaries kay Fred matapos na magselos ang binata sa kapuwa housemate na si Joaquin Arce nang gawin ang isang task sa bahay ni Kuya nang maging magkapareha ang dalawa.
Si Fred ang latest housemate na napaalis sa bahay ni kasama ang Kapuso housemate na si Clifford.
Napapanood ang "Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition 2.0" sa GMA Network mula Lunes hanggang Biyernes sa ganap na 9:40 p.m., at sa Sabado at Linggo sa ganap na 6:15 p.m.—Jade Veronique Yap/FRJ GMA Integrated News
