Kakaibang serbisyo publiko ang ibinigay ng isang pulis sa Davao City matapos niyang paanakin ang isang buntis na inabutan ng paghilab ng tiyan sa tricycle.

Ayon sa ulat sa GMA News TV "Balita Pilipins Ngayon" nitong Lunes, magpapakonsulta lang sa doktor ang buntis na Lorena Mae Hugo kaya siya bumiyahe sakay ng tricycle pero hindi pa man umaabot sa destinasyon ay bigla raw sumakit ang kanyang tiyan.

Humingi ng tulong ang mga nakasaksing residente at agad na rumesponde ang mga pulis.

Si PO2 Dominique Villamor na isa ring registered nurse ang tumulong sa pagpapaanak kay Lorena.

"Lumabas po ako at kinuha ko 'yung medical kit sa aking bag and I wore my gloves then pinuntahan ko po 'yung babae," ayon kay Villamor.

Hindi naging madali ang pagpapaanak kay Lorena dahil bukod sa nasa loob siya ng tricycle ay nauna ring lumabas ang paa ng sanggol.

Gayunman, naging matagumpay ang pagpapaanak at agad na dinala sa ospital ang mag-ina.

Laking pasasalamat naman ng ina sa pulis dahil pareho silang ligtas ng bagong silang niyang sanggol na lalaki. —Dona Magsino/ LDF, GMA News