Patay ang dalawang pulis at dalawang iba pa sa isang barilan sa Tarlac matapos magkainitan dahil sa paninita, ayon sa ulat sa "Balitanghali" nitong Martes.

Nagsimula ito sa paninita sa isang dump truck sa Capas, Tarlac nitong Sabado.

Sakay ng truck sina Senior Police Officer 2 Jayson Garcia at Bernie Hernandez nang sitahin umano sila ng tanod na si Clint Donald Lugtu, kapatid niyang si Police Officer 3 Vincent Lugtu at Renato Mercado.

Nauwi ang simpleng hindi pagkakaintindihan sa pagtatalo, hanggang sa mabaril ng pulis na si Lugtu ang pulis din na si Garcia.

Gumanti naman si Hernandez na ikinamatay kalaunan ni Lugtu at dalawa niyang kasama.

Pagkatapos ng insidente,  tumakas si Hernandez pero naaresto rin.

Itinanggi naman ng suspek na sangkot siya sa krimen.

Haharap ang suspek sa reklamong murder. —Joviland Rita/ LDF, GMA News