Isang bahay na ginawang shabu lab ang nabisto sa loob ng isa sa nga pinaka-eksklusibong subdivision sa San Juan, Manila, ayon sa ulat ni Bam Alegre sa "24 Oras" nitong Huwebes.

Aabot raw sa P2 bilyon ang halaga ng shabu ang kayang gawin ng naturang pasilidad sa loob ng North Greenhills subdivision.

"Du'n sa nakuha naming nakalagay sa isang van, it has 27 sacks of ephedrine, that can produce...at least P2 billion worth of shabu. Talagang malaking distribution," sabi ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Guillermo Eleazar.

Maliban sa mga kagamitan sa malawakang paglikha ng shabu, kasama sa mga nakumpiska ang tinatawag na "China Brown," isang variety ng shabu na malapit na maproseso at lilinisin na lang bago ilabas sa merkado.

Wala nang tao ang bahay nang datnan ito ng mga operatiba. 

Mga dayuhan umano ang umupa sa bahay pero tikom muna ang bibig ng mga awtoridad sa pagkakakilanlan ng mga suspek.

Ayon naman sa sekretarya ng may-ari ng bahay, hindi nila alam na ginawa na palang shabu lab ang lugar hanggang sa magsumbong ang kanilang mga kapitbahay sa mga awtoridad tungkol sa masangsang na amoy.

"Matapang na chemical. Kaya sabi niya sa'kin, for security purposes na rin ng mga nakatira dito sa loob, gagawan nila ng paraan. So nakipag-coordinate kami sa kanila. Kahapon, nag-reply kami doon sa reply letter nila kung ano 'yung gagawin tapos gumawa sila ng paraan," sabi ng sekretarya.

Natunton ng mga pulis ang laboratoryo matapos nilang maaresto ang isang Koreanong "chemist" na si Kim Jeong Hee na nahuli sa Pasig noong nakaraang Linggo.

"Nag-conduct follow-up investigation and the following day, noong Thursday, na 'yon, we were able to raid a condominium unit na huling tinirahan nitong Korean chemist na ito through a search warrant that we have obtained from a competent court," ani Eleazar.

"We were able to confiscate at least two kilograms na finished product na shabu as well as more than 450,000-peso bills," dagdag niya.

Patuloy pa ang pagtugis sa mga drug syndicate sa likod ng shabu lab. 

Ayon kay Eleazar, modus daw ng grupo ang pagpili ng bahay sa mga exclusive subdivision dahil hindi basta-basta't makakapagsagawa ng operasyon ang mga awtoridad.

"Basically, base na rin doon sa mga modus, sa gated subdivision, 'di puwede basta-basta't pasukin, kung magko-conduct ng surveillance operation ng ating law enforcement agencies," sabi ng hepe. —NB/FRJ, GMA News