Isang condominium unit sa Maynila ang nilooban at nakuhaan ng mahigit P800,000 halaga ng pera at mga alahas.

Hinihinalang sa butas sa pader para sa aircon dumaan ang suspek, ayon sa ulat sa Unang Balita ng GMA News nitong Lunes ni Dano Tingcungco.

Nitong nakaraang weekend lamang nalaman ng condo unit owner na si Architect Grace Oliva ang nangyaring pagnanakaw nang pumunta siya rito para ipaayos ang unit.

Posible raw na nangyari ang insidente sa pagitan ng Oktubre at Disyembre.

Nang dumating si Oliva sa unit, sira ang doorknob sa master's bedroom.

Nakataob ang vault at sira.

Nakuha ang hindi raw bababa sa $7,000, mga gemstone na may halagang P300,000, at mga alahas na may halagang P150,000.

Noong August 29, 2017, nilooban din ang unit ni Oliva at natangay ang P6 milyong halaga ng mga alahas at pera.

Hindi pa rin natunton ang nasa likod ng pagnanakaw noong 2017 hanggang sa ngayon.

Walang CCTV sa labas ng unit ni Oliva.

Iniimbestigahan na ng Manila Police District Theft and Robbery Section ang insidente. —KG, GMA News