Arestado ang isang lalaki matapos niyang gahasain umano ang isang 13-anyos na dalagita na pinagsilbihan niya bilang guardian.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, kinilala ang suspek na si Ramon Berin, 39-anyos at isang account executive.   

Hindi na nahirapan pa ang Pasig Police na arestuhin ang suspek dahil bukas ang pinto ng tinutuluyan niyang bahay.

Kinapitan nila agad ang mga braso at pinosasan si Berin dahil sa kaniyang arrest warrant.

Isinampa ng biktimang Grade 7 student ang kaso matapos mangyari ang insidente noong Setyembre ng nakaraang taon.  

Nagsimula ito nang ayain umano ng suspek na mag-merienda ang dalagita, gaya ng kanilang nakagawian. Ngunit pagkatapos nito, dito na mistulang dinemonyo ang suspek.

"Akala ko po nagbibiro lang siya. Tapos, noong naghubad na rin po siya, sabi ko 'Anong gagawin mo? Tapos sabay sabi niya 'Wag ka na lang maingay' Sabi ko, 'Hala, isusumbong kita kay mama!'" sabi ng biktimang itinago sa alyas na "Kat."

Hindi na nakapalag pa ang biktima.

"Hinubaran niya na po ako, tapos sinusuntok-auntok ko po siya. 'Yun na po, 'di ko naman siya kaya kasi po lalaki siya," sabi pa ni Kat.

Tinangka ng suspek na ayusin ang kaso nang una silang magharap ng magkabilang panig sa barangay, ngunit hindi pumayag ang ina nitong si Alice, hindi tunay na pangalan.

"Pananagutan daw niya... Hindi ako pumayag. Sabi ko, marami pang puwedeng mangyari sa buhay ng anak ko. Hindi ikaw ang nakalaan sa anak ko, ang tanda-tanda na niya," ani Alice.

"Tinatanggi ko po 'yun, wala po talaga akong, hindi kami nagkita nuong araw na iyon, September 12," pagtanggi ni Berin.

Hindi makapaniwala ang ina ng biktima na magagawa ito ng salarin, dahil guardian na raw ng dalagita ang turing nila sa kaniya.  Sinasabing malapit si Berin sa mga magulang at pinsan ng biktima.

"Kung maaari, hindi dapat palaging pinapayagan, 'yung masyadong maluwag. 'Yun po kasi nangyari diyan, sobrang luwag ko talaga," sabi pa ni Alice.

Ayon naman sa Pasig Police, magsilbi sana itong aral hindi lang sa mga kabataan, kundi pati sa mga magulang.

"Kailangan natin bantayan yung ating mga anak, kailangan natin pagsabihan. Sa pangkaraniwang kultura natin ay kasama natin sa pagpapalaki ng mga anak, pagtutuwid sa kanila, hindi na ganuon. Nag-e-evolve ang ating community," sabi ni Police Senior Superintendent Rizalito Gapas, hepe ng Pasig police. 

Nag-iwan pa sa biktima ng mensahe ang suspek, na nakakulong ngayon sa Pasig Police headquarters.

"Ikaw, lagi kita natutulungan. Ewan ko ba kung bakit mo ako ginanito. 'Pag nagugutom ka tine-text mo ako, china-chat mo ako," sabi pa ni Berin. —Jamil Santos/ LDF, GMA News