Hindi raw tipo ng lalaki ng babaeng si Pearl ang negosyante na itinago sa pangalang “Rico.” Pero sa hindi niya malamang dahilan, biglang nahulog ang loob niya rito at naging sunod-sunuran sa mga nais ng lalaki. Nagayuma nga kaya siya? Alamin ang kuwento.

Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” ibinahagi ni Pearl, isang business consultant, na una niyang nakilala si Rico nang magpadala ito ng mensahe sa kaniya dahil nais daw nitong kunin ang kaniyang serbisyo.

Ngunit ang dapat sanang professional deal, nauwi bigla sa pagkakaroon nila ng relasyon matapos magkakilala sa maigsing panahon.

Pag-amin din ni Pearl, naging mabilis ang mga pangyayari sa kanilang pag-iibigan at hindi siya makapaniwala sa kaniyang mga naging desisyon, pati ang pagpayag na makipag-live in kay Rico.

Ayon kay Pearl, hindi niya tipo ng lalaki noong una si Rico pero hindi siya nakaiwas na mahulog dito. Kumpara sa ibang naging nobyo niya, may emotional intelligence umano si Rico at pasensyoso.

Ngunit ang tila pagkabulag niya sa pag-ibig kay Rico, napalitan ng pagdududa nang makita niya sa mga gamit ng lalaki ang isang puting panyo na may nakasulat na tila orasyon, at may drawing ng babaeng nakahubad.

Bukod dito, may kasama rin ito na isang maliit na imahe na tila Sto Niño na walang saplot.

Batay sa mga napagtanungan ni Pearl, ang naturang mga gamit ni Rico ay panggayuma umano. Kaya si Pearl, naghinala na baka ginamit ito sa kaniya ng nobyo.

Tama nga kaya ang hinala ni Pearl at papaano kaya niya aalisin ang bisa ng gayuma sa kaniya? Tunghayan ang buong kuwento sa video ng KMJS. Panoorin. – FRJ GMA News