Plano raw gahasain ng tiyuhin ng biktimang si Myrrhaquel Singson, ang 12 anyos na natagpuang patay matapos gilitan sa loob na kanilang bahay nitong nakaraang linggo.
Ayon sa ulat ni Mariz Umali sa "24 Oras", may malakas na ebidensiya na ang pulis Caloocan laban kay Reynaldo Urbano na kinasuhan na rin ng murder kaugnay ng krimen.
"The first intention is to rape. Lumaban yung anak ko," sabi ni Colenso Singson, ama ng biktima.
Ayon kay Senior Superintendent Restituto Arcangel, hepe ng Caloocan Police, umamin na rin nang kung ilang beses ang suspect.
"Ang problema namin, hindi namin siya makuhanan ng extrajudical confession dahil pabago-bago ang statement niya," sabi ni Arcangel.
Matinding galit daw sa ama ng biktima ang sinabing dahilan ni Urbano nang siya'y tanungin tungkol sa kanyang motibo.
Dalawang kutsilyo daw ang ginamit ng suspect sa pagpatay daw niya sa kanyang pamangkin.
"The SOCO and the crime lab will tell the truth. Kung siya, let it be. Kung hindi, thank you Lord," sabi ni Raquilino Singson, ina ng biktima at kapatid ng suspect. —NB, GMA News
