Isang sanggol na isang linggo palang na ipinapanganak ang nasagip ng mga awtoridad matapos na tangkain umanong ibenta ng mga nagpakilala niyang mga magulang at mag-asawang magsisilbing "ahente." Ang nabulilyasong bentahan, isinagawa sa pamamagitan ng social media.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing ang pagsagip sa sanggol ay isinagawa ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation-International Operations Division at social welfare department ng Las PiƱas.

Ayon sa NBI, nadiskubre nila ang bentahan ng sanggol sa Facebook page na makikita pa ang palitan ng mensahe at mga nagpapasalamat na nagkaroon ng anak.

"Mapapansin sa account niya yung puro nagpapasalamat at proof na ginagawa nila yung ganitong transaction," sabi ni Ronald Aguto, hepe ng NBI-IOD. " Napaka-active nung page niya at napakaraming allegedly ay bumibili ng bata.

Paliwanag ng mga nagpakilalang ina ng sanggol, plano talaga nilang ibenta at ipaampon ang sanggol noong ipinagbubuntis pa lang niya ito.

Pero ang nagpakilalang ama ng bata, sinabing posibleng inalok lang ng malaking halaga ang kaniyang asawa.

"Inoperan lang siguro yung asawa ko ng malaki kaya nasabi na binebenta pero hindi. Ang ano lang namin ay ipa-adopt lang," paliwanag niya.

Kasamang inaresto ang dalawang magiging ahente umano sa ibinebentang sanggol.

Pero paliwanag ng suspek na si Justin Eusebio, ang ina ng sanggol ang nag-chat sa kaniyang asawa para humingi ng tulong at nagpapapresyo na.

Sabi naman ng asawa ni Eusebio, hindi sila humihingi ng halaga sa ina at bibigyan na lang daw sila na aabot ng P1,000 o P2,000.

Duda ang mga awtoridad kung talaga sila ang mga magulang ng sanggol dahil hindi raw kinakitaan ng pagsisi ang mga ito sa ginawang pagbebenta sa bata.

Magiging bahagi umano ng isasagawang imbestigasyon ng NBI ang natanggap nilang mga impormasyon na may mga sanggol na nawawala sa mga bahay-paanakan o ospital.

Iimbestigahan din ng BI cellphone ng mga suspek at Facebook page para alamin kung mayroon pang ibang mga sanggol na naibenta ang grupo. --FRJ, GMA News