Nasunog ang isang auto shop sa Barangay Wack Wack, Mandaluyong City kaninang pasado alas onse ng umaga.

Umabot sa ikalawang alarma ang sunog bago ideneklarang fire out alas 12:38 ng hapon.

Ayon sa may ari ng auto shop na tumanggi nang magbigay ng pangalan, ikinuwento sa kanya ng mga staff na may nagwe-welding sa loob ng establisyemento bago nangyari ang sunog.

 

 

Under construction aniya ang isang bahagi ng gusali.

Tinupok ng apoy ang 5 sasakyan na nasa harap noon ng auto shop.

Bumagsak ang bubong ng establisyemento at nagkayupi-yupi ang mga bakal nito.

Ayon sa may-ari, nakalabas ang lahat ng staff at walang nasaktan sa sunog.

Nagdulot naman ito ng matinding traffic sa Edsa-Whiteplains southbound.

 

 

Makikita sa video ang makapal at maitim na usok mula sa nasusunog na establisyemento.

Ayon sa BFP Mandaluyong, dahil ito sa tumagas na used crude oil na nakaimbak sa establisyemento.

Ito rin anila ang dahilan kung bakit lumaki ang apoy.

Tumagas hanggamg sa labas ng auto shop ang kulay berde na langis na nagresulta sa pagkakadulas ng ilang bumbero.

Inaalam pa ng Mandaluyong BFP ang pinagmulan ng apoy at ang halaga ng pinsala ng sunog.

Iniimbestigahan na rin ng mga otoridad kung may kaukulang mga permit ang establisyemento. — RSJ, GMA News