Nagpulong sa Malacañang sina Pangulong Rodrigo Duterte at Moro National Liberation Front (MNLF) founding chairman Nur Misuari nitong Lunes sa harap ng umano'y sigalot sa hanay ng dating rebeldeng grupo.
Ayon kay Presidential spokesperson Salvador Panelo, tumagal lang ng 15 minuto ang naturang pagpupulong, at itinakda ang susunod na pagpupulong.
Ito ang unang pagpupulong nina Duterte at Misuari mula nang maratipikhan ang Bangsamoro Organic Law at buuin ang transition authority na mamamahala sa bagong Bangsamoro region hanggang sa ganapin ang halalan sa 2022.
"What transpired last night was the President told the [MNLF] chairman that he admired his patience and he apologized for not having implemented or enforced whatever agreements that they had previously with respect to federalism or something. And they would be talking again precisely for that," sabi ni Panelo sa pulong balitaan.
Bago nito, sinabi ni Duterte sa kaniyang talumpati sa harap ng mga barangay official nitong Lunes na may sigalot na nangyayari sa MNLF. Kaugnay umano ito sa ilang reklamo tungkol komposisyon ng mga Bangsamoro Transition Authority, na pinamumunuan ng mga opisyal ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).
“There are rumblings about the MNLF. Sabi namin, come and join, but Misuari is gnawing out and I have ordered the military and police, may kaso siya, allow siya, he will come back,” pahayag ni Duterte sa 1st National Assembly ng Liga ng mga Barangay sa Pilipinas.
Sinabi ni Duterte na nais niyang makausap si Misuari para sa kapayapaan ng Mindanao.
Nitong Lunes, pinayagan ng Sandiganbayan si Misuari na dumalo sa 48th Session of the Organization of Islamic Cooperation Council (OIC) of Foreign Ministers at 14th Session of the Parliamentary Union of Islamic Cooperation (PUIC) Member States na gaganapin sa United Arab Emirates at Morocco.
Nahaharap si Misuari sa mga kasong katiwalian at pagbabaldas ng pondo na may kaugnay sa pamumuno niya noon sa Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Sinabi ni Panelo na walang binanggit si Misuari tungkol sa komposisyon ng BTA sa naturang pulong kay Duterte.— FRJ, GMA News
