Hindi naitago ng isang babaeng may Down Syndrome sa Sara, Iloilo, ang kaniyang pananabik na muling makapiling ang inang nakatira na nasa Amerika, at pitong taon na niyang hindi nakikita. Tunghayan ang nakaaantig nilang kuwento.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” ipinakilala ang 48-anyos na si Ibon, na laging nakatambay sa kanilang veranda, malayo ang tingin at hinihintay na dumating ang kaniyang inang si Flordeliza Celeste o Nanay Flor.
Mahigit dalawang dekada na mula nang ipetisyon si Flor ng isa pa niyang anak na tumira sa Amerika.
Dahil dito, madalang na siyang nakakauwi sa Iloilo, at 2019 pa ang huli niyang naging bakasyon doon.
“Nang ipinanganak ko na siya, nagtaka ako na hindi siya makadumi. Sabi ng tatay ko, ‘Paki-tingnan mo nga ang puwit niya, baka walang butas. Ay nako nang tingnan namin talaga walang butas. Dinala namin sa ospital si Ibon, at saka inoperahan,” kuwento ni Nanay Flor tungkol sa panglimang anak niyang si Ibon.
Ipinaliwanag ni Nanay Flor kung saan niya ipinangalan si Ibon.
“Sa Ilonggo, ang tinatawag na Libon, 'yung wala talagang kabutas-butas, tinawag na lang namin na ‘Ibon,’” ayon sa kaniya.
Habang lumalaki, hindi nagsasalita si Ibon. Kalaunan, nalaman na nga nilang mayroong Down syndrome si Ibon.
“Siyempre, mahirap. Kasi gusto nating mga ina na normal talaga ang lahat ng anak natin. Pero siya naiiba eh, kaya lahat ng atensiyon nasa kaniya,” ani Nanay Flor.
Kaya naman espesyal si Ibon na naging “baby” ng pamilya. Nakipaghalubilo rin siya sa mga bata, ngunit hindi nakaiwas sa mga tukso.
Sa kabila ng lahat, lumaking malambing si Ibon at palaging nangyayakap, ayon sa kaniyang pamangkin na si April Joy Delos Reyes.
Dahil sa kaniyang kondisyon, hirap siyang magsalita, ngunit paulit-ulit niyang binibigkas, kahit walang boses, ang salitang “nanay.”
“One time na nagkasakit siya, wala kami talagang kapera-pera na ipadoktor siya. ‘Yan ang pinakamahirap. Hindi siya makakain. Sobrang awa talaga eh kasi hindi naman siya makapagsabi kung anong nararamdaman niya,” ani Nanay Flor.
Tuwing kaarawan ni Ibon, tinitiyak ng kaniyang pamilya na makagdiwang, at ihanda ang kaniyang paborito na spaghetti, na tinatawag niyang “Pisik Pula.”
“Talagang every birthday ni Ibon, pino-post ko ‘yun sa Facebook dahil gusto kong malaman ng buong mundo na kahit ganiyan lang ang anak namin, pinahahalagaan namin ‘yan,” ani Nanay Flor.
Ngunit taong 2004 nang lumipad na pa-Seattle, Washington si Nanay Flor matapos ipetisyon ng isa pa niyang anak doon.
“‘Pag kumuha pa sila ng caregiver, ang mahal-mahal, sabi ko ‘Paano si Ibon?’ Sabi ng kapatid nilang panganay, ‘Wag na kayong mag-alala ka Ibon dahil si Lea ang bahala na sa kaniya.’ Kaya lang wala akong magawa dahil [naka-ayos] na 'yung mga papeles namin, kaya umalis na kami,” kuwento ni Nanay Flor.
“Sabi ko, ‘Babalik lang kami kaagad.’ Umiyak na siya at yumakap na sa akin,” sabi pa niya tungkol kay Ibon.
Kaya naman si Ibon, nakaupo lamang sa balkonahe na malayo ang tingin na tila araw-araw na hinihintay sa loob ng pitong taon ang pagbabalik ng kaniyang ina kahit pa nagkakausap sila sa pamamagitan ng videocall.
Sa pagdiriwang kamakailan ng ika-48 kaarawan ni Ibon, tiniyak ni nanay Flor na masosorpresa ang kaniyang anak, at hindi muna ipinaalam ng kaniyang pamilya ang kaniyang pag-uwi.
Tunghayan sa KMJS ang madamdaming pagtatagpo at muling pagkakalayo nina Nanay Flor at anak niyang si Ibon.—FRJ GMA News
