Itinalaga bilang undersecretary for public safety ng Department of the Interior and Local Government (DILG) si dating Iloilo City mayor Jed Patrick Mabilog, ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla nitong Miyerkules.

Sinabi ni Remulla sa GMA News Online na opisyal nang nanumpa si Mabilog kaninang umaga.

“Yes. He took his oath under me at 9:30 a.m. His experience in local government will be a valuable asset in the department,” ayon kay Remulla.

“Furthermore, the injustice he went through will fuel his desire to level the playing field in local governance. Not revenge but reform,” dagdag ng kalihim.

Kinumpirma rin ng Malacañang ang pagtatalaga kay Mabilog bilang opisyal ng DILG.

“Confirmed,” tugon ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro nang tanungin ng mga mamamahayag tungkol kay Mabilog.

Nagsilbi si Mabilog bilang alkalde ng Iloilo City bago umalis ng bansa noong panahon ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

BASAHIN: Who is Jed Mabilog?

Inakusahan noon ni Duterte si Mabilog na may kaugnayan umano sa ilegal na droga, ngunit paulit-ulit itong itinanggi ng dating alkalde.

Nag-self-exile si Mabilog sa ibang bansa at bumalik sa Pilipinas noong Setyembre 2024 matapos ang ilang taong pananatili sa abroad.

Noong Enero ng nakaraang taon, sinabi ng Malacañang na pinagkalooban ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ng executive clemency si Mabilog.

Ang executive clemency ay kaugnay ng desisyon ng Office of the Ombudsman noong Oktubre 23, 2017, na nagtanggal kay Mabilog sa puwesto matapos siyang mapatunayang guilty sa kasong serious dishonesty dahil sa kabiguang maipaliwanag ang umano’y kuwestiyonableng yaman na nagkakahalaga ng P8.9 milyon mula 2012 hanggang 2013.— Joviland Rita/Giselle Ombay/FRJ GMA News