Muling nakainitan sina Senador Francis “Kiko” Pangilinan at Robin Padilla nang magkaroon sila ng maikling komosyon sa Senate lounge nitong Miyerkules. Nangyari ito matapos na magdiskusyon muli sa plenaryo ng kapulungan ang dalawa.

Ayon kay Acting Senate Sergeant-at-Arms Mao Aplasca, nangyari ang insidente matapos magtungo ang mga senador sa Senate lounge habang suspendido ang sesyon.

“On their way out sa lounge, medyo nagkaroon ng commotion uli si Senator Robin at Pangilinan but it was quickly settled,” sabi ni Aplasca sa mga mamamahayag.

“Extension ng nangyari. Medyo nagkatabi nang konti at nagkasagutan,” dagdag niya.

Sa plenaryo ng sesyon nitong Miyerkoles, muling nagsalita si Padilla upang ulitin ang kaniyang reklamo kaugnay sa umano’y pagsigaw sa kaniya ni Pangilinan noong Martes.

Itinanggi ni Padilla ang mga paratang na isa siyang “crybaby” at sinabi niyang may mga alituntunin ang Senado hinggil sa asal at pananalita ng mga mambabatas habang may sesyon.

“Nangyari po ito on record sa Senado... Humihingi siya ng pag-abot ng kamay sa akin, hindi na on record. Paano ko po tatanggapin ang kamay niya eh ginawa niya on record kaya ang hinihiling natin, kung siya talaga nais niya magbigay ng kamay, on record,” giit ni Padilla.

Bilang tugon, sinabi naman ni Pangilinan kay Padilla na dalhin na lamang ang usapin sa Senate ethics committee.

Tugon dito ni Padilla, “Ibig sabihin ba niyan hindi kayang humingi ng tawad ng isang veteran senator? Napakahirap bang sabihin noon na kailangan pa nating umabot sa Ethics?”

Noong Martes, nagkaroon ng mainitang palitan sina Pangilinan at Padilla habang tinatalakay ang arrest warrant ng International Criminal Court (ICC) laban kay Senator Ronald dela Rosa.

Hiniling ni Pangilinan na i-refer sa Senate Committee on Rules ang mga manifestation tungkol sa ICC arrest warrant upang makapagpatuloy ang Senado sa iba pang usapin.

Ngunit sumingit si Padilla sa pagsasalita, dahilan upang itaas ni Pangilinan ang kanyang boses at sabihing: “I still have the floor.”

Kalaunan, kinuwestiyon ni Padilla kung pinapayagan bang sigawan ng mga senador ang kanilang kapwa senador at tumanggi siyang tanggapin ang pakikipagkamay ni Pangilinan habang break ng sesyon.

Nagbanta rin si Padilla na magsasampa ng reklamo sa Senate ethics committee kung hindi hihingi ng paumanhin si Pangilinan “on record.”

Naganap ang mainit na diskusyon ng dalawa matapos kuwestiyunin ng mga majority bloc ang paraan ng pagtatangkang pag-aresto ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) kay Dela Rosa noong Lunes, nang unang beses itong magpakita sa Senado matapos ang anim na buwang pagliban sa kapulungan.

Kasabay ng paglutang ni Dela Rosa, naganap ang pagpapalit ng liderato sa Senador nang makakuha ng sapat na boto si Sen. Alan Cayetano na gawing siyang Senate President, kapalit ni Sen. Tito Sotto.

Naging mahalaga ang pagdalo ni Dela Rosa sa sesyon na kabilang sa 13 senator na bumoto para kay Cayetano, kontra sa siyam na boto na nakuha ni Sotto.

Hindi nagpakita sa publiko si Dela Rosa dahil sa mga ulat na naglabas na umano ang ICC ng arrest warrant laban sa kaniya kaugnay ng kanyang sinasabing papel sa extrajudicial killings na iniuugnay sa administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.— Sundy Locus/FRJ GMA News