Ibinahagi ni Sanya Lopez ang kaniyang pagsalang sa immersion para sa kaniyang role bilang isang entertainer sa Japan para sa upcoming movie na “Midnight Girls.” Ang mga customer na nagbibigay sa kaniya ng “lapad,” hindi alam na artista siya.
“Sa mga hindi po nakakaalam, ang ‘Midnight Girls’ po ay tungkol sa sisterhood. Kung saan siyempre may apat na babae na pumunta sa Japan, sa Nagoya, at nakipagsapalaran doon. At sila ‘yung apat na babae na may mga kaniya-kaniyang battle sa buhay nila,” kuwento ni Sanya sa nakaraan niyang guesting sa vlog na “Your Honor.”
Para paghandaan ang karakter nila sa pelikula, sumalang muna sila sa immersion kung paano ang buhay ng isang babaeng entertainer sa isang “Omise,” o club.
“Noong umpisa, walang may alam sa mga client doon, 'yung mga Hapon, na artista kami. Wala talaga silang alam. Ang alam lang nila, isa kami sa mga bagong salta,” kuwento ni Sanya.
Ayon sa kaniya, mungkahi ito ng kasama niya sa pelikula na si Jodi Sta. Maria.
“Ang nagsimula talaga at nagsabi nito ay si Ate Jodi. Mas lalo akong humanga sa kaniya. Siya talaga ‘yung nakaisip ng idea na bakit hindi tayo magkaroon ng immersion, para siyempre, mahirap ‘yung trabaho namin,” sabi ni Sanya.
“At saka 'yung proseso, kung paano ba talaga ginagawa 'yung pagsalin ng beer, paano ‘pag cheers. Ganoon siya kadetalye dapat. Paano namin magagawa ‘yun kung wala kami mismong alam?,” kuwento niya.
Naging pagsubok pa kina Sanya ang pagsasalita ng Hapones, dahil hindi nakakaintindi ng English ang mga Hapon.
Sa kabutihang palad, may mga translator na ginabayan sila para magawa ang kanilang trabaho at makausap ang mga Hapon.
Pag-amin ni Sanya, “Na-table kami, tig-isa kami. So, pinuwesto kami doon ng mismong mga entertainers, pinakilala kami. Siyempre kasi, nagtataka 'yung mga Hapon na ‘Sino itong mga bago? Madalas kami dito, wala naman kayo,’” kuwento ni Sanya.
Kinumpirma ni Sanya na nag-perform din sila roon bilang mga entertainer.
“Pinakanta lang muna si Ate Jodi, isa-isa kami. ‘O sige, ikaw naman, pambato,’ ganiyan. Hanggang naging masaya na 'yung buong Omise,” patuloy niya.
Masaya pang pagbabahagi ni Sanya, kumita pa sila dahil sa mga tip.
“Tapos, noong nag-e-enjoy na sila, meron na kaming stage. Noong nasa stage na kami, grabe, ang dami naming Lapad (10,000 yen).”
Ngunit dahil bawal silang hawakan, iniaabot lamang ng mga Hapon ang mga pera sa kanila sa pamamagitan ng chopsticks.
“Oo, gina-ganoon (chopsticks) lang sa amin 'yung pera, 'yung lapad. Sabi ko, ‘Kung alam ko lang, may dala akong basket. Hindi ko alam,’” biro ni Sanya.
“Buhay talaga kami doon. ‘Yun ‘yung bumuhay sa amin. Dahil ‘yung mga tips sa amin, yun na talaga. Kasi meron naman kaming pocket money, binigay sa amin. Pero siyempre, nu’ng nagkaroon kami noon, mas nabuhay kami for a month. Kasi isang buwan kami doon eh,” sabi pa niya.
Bukod kay Jodi, kasama rin ni Sanya sa "Midnight Girls" sina Loisa Andalio at Jane Oineza.
Mapanonood na ito sa mga sinehan nitong Miyerkoles, Mayo 13.—FRJ GMA News
