Viral ngayon sa social media ang larawan ng isang sanggol na inilagay sa batya ng kanyang ina habang naghuhugas ng plato sa Malate.

Ayon sa ulat ni Dano Tingcungco sa Unang Balita nitong Lunes, ipinost ng isang Dexter Cainap ang litrato sa Facebook.

Makikita sa larawan ang isang ina na naghuhugas ng pinggan habang ang kanyang anak na sanggol ay nakalagay sa isang batya sa tabi niya.

Ayon kay Dexter, na landlord ng housewife na si Joanna Mae Andres, itinimbre sa kanya ng bayaw niya ang tagpo kaya naisipan niya itong kunan ng litrato mula sa ikalawang palapag ng apartment.

"Naisip ko dun sa picture, ang hirap pag walang katuwang sa pag-aalaga," ani Dexter.

Ayon naman kay Joanna, inilagay niya sa batya ang anak dahil wala siyang mapag-iwanan nito at natatakot siya na baka makalmot ito ng pusa o mahulog sa hagdanan.

"Tama lang po yung ginawa ko kasi safety po iyan nung baby ko. Ayaw ko po siyang iwan kung saan," aniya.

"At least nakikita ko po siya. Nababantayan ko po kahit may ginagawa ako," dagdag pa ng ina.

Isang construction worker ang kinakasama ni Joanna na si Charles. Wala raw silang kakayahan na kumuha ng kasambahay.

"Minsan po iniisip ko gusto kong umuwi nang maaga para din po matulungan asawa ko," ani Charles.

"Pero di ko po magawa kasi po madalas nago-OT po ako."

Aminado si Dexter na ipinagtapat lang niya kay Joanna ang litrato nang mag-viral na ito sa Facebook.

Dahil sa litrato, samu't saring tulong ang ipinadala ng netizens kina Joanna tulad ng groceries, damit at stroller. —KBK, GMA News