Arestado ang isang 16-anyos na binatilyo sa San Jose Del Monte, Bulacan dahil sa kasong murder.

Ayon sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA "24 Oras" nitong Lunes, sa Barangay Minuyan nadampot ang menor de edad na suspek.

Nahuli naman sa isang follow-up operation sa Malolos ang kasabwat umano nitong si Reymart Rala.

Sangkot daw ang dalawang suspek sa pagpatay ng isang grupo sa biktimang si John Christopher Garcia nitong Enero.

Sinaksak ang biktima sa tapat mismo ng kanilang bahay.

Depensa ng dalawang suspek, ipinagtanggol lang nila ang kanilang sarili matapos raw silang pag-tripan ng grupo ni Garcia. Pero pag-amin ni Rala, ang 16-anyos na binatilyong kasama niya ang nakasaksak sa biktima.

Ayon naman sa pulisya, pinagplanuhan ang naturang pagpatay.

"Dati nang may alitan ang biktima at suspek na kung saan nang araw na 'yun nakita nila ng suspek na nakatambay lang du'n sa labas ng bahay, kaya sinamantala po nila," ayon kay P/Col. Orlando Castil, hepe ng San Jose Del Monte Police.

Dalawa pang kasamahan nina Rala at ng 16-anyos na suspek ang patuloy na tinutugis ng pulisya. —Dona Magsino/LDF, GMA News