Arestado ang pitong katao, kabilang ang isang mag-ama, sa isinagawang mga anti-drug operation sa San Jose del Monte, Bulacan nitong Martes ng gabi.

Ayon sa ulat ni Marisol Abdurahman nitong Miyerkoles sa GMA News TV "Balitanghali," sinabing inaresto ng San Jose del Monte police si Norberto Bondesto, Sr. alyas Bobby, at ang kaniyang anak na si Norberto Jr.

Sa buy-bust operation, hindi nakapalag ang mag-ama matapos silang mabilhan ng nagkunwaring buyer ng P1,000 halaga ng shabu.

Inaresto rin ang kasama nilang si Norman San Juan na nahulihan din ng siyam na sachet ng shabu na nangangahalaga ng P60,000.

Apat pang suspek, kabilang ang isang babae, ang arestado sa isa pang operasyon sa nabanggit na lungsod.

Nakabili raw ng shabu ang poseur-buyer mula sa babaeng suspek gamit ang marked money.

Siyam na sachet na may laman na hinihinalang shabu, drug money at mga drug paraphernalia ang nakuha sa mga suspek.-- Margaret Claire Layug/FRJ, GMA News