Kuwelang sinagot nina Paolo Contis at Chariz Solomon ang tanong kung sino kina Mikoy Morales at Ashley Rivera ang pipiliin nilang bumalik sa Bubble Gang, na nagdiriwang ng ika-31 taon nitong anibersaryo.

Sa nakaraang episode ng “Kalurks!”, naging guest sina Paolo, Chariz at Mikoy.

Natanong ni DJ Jhai Ho kung bakit going strong pa rin ang Bubble Gang matapos ang higit tatlong dekada.

“Feeling ko dahil tinanggal nila ako,” biro ni Mikoy. “Ay, sorry! Iba pala 'yung ipo-promote kong show. Wala na pala ako sa Bubble Gang.”

“Ako, sa palagay ko 'yung kagaya kay Vice Mayor, 'yung passion, 'yung gigil, 'yung roar. Alam mo ‘yan, medyo natatakot nga ako kay Vice Mayor kasi na-threaten ako. Role ko 'yun eh. Vice Mayor, wag kang masyadong magsisisigaw. Role ko ‘'yun. Baka mawalan ako ng slot sa Bubble Gang, matanggal na rin ako,” biro ni Chariz.

Tinutukoy ni Chariz si Isabela Vice Mayor Harold Respicio, na naging laman ng mga balita noong nakaraan dahil sa pagkompronta niya sa mga barangay official dahil sa mga hindi natapos na proyekto.

“I think 'yung pag-adapt namin sa mga mga bagong generation, ‘di ba? Dati kasi, luma ang jokes. Ngayon, mas bago na, mas safe. So, sumasabay sa trend. I think, very open kasi 'yung Bubble at saka 'yung creative team ng Bubble to actually adapt sa mga bago ngayon. So, at least, nakaka-relate pa rin 'yung mga bagets,” sabi ni Paolo.

Matatandaang naging bahagi rin sina Ashley at Mikoy ng Bubble Gang.

“Malaking feat pa rin 'yun. Milestone pa rin 'yun. Kasi, Parang plus two years lang ang tanda ko sa Bubble Gang. Halos kasing edad ko 'yun,” sabi ni Mikoy.

Inihayag din ni Ashley ang kaniyang pasasalamat na nakasama sa longest-running gag show.

“Siyempre, thankful ako na nakasama ako sa Bubble Gang, siyempre, ng ilang years din. Tapos, hanggang ngayon, may mga nakakakita, ‘Uy, si Bubble Gum! Bubble Gum!’ Mali pa eh,” ani Ashley.

“Pero at least, alam nila na part ako ng Bubble Gang. So, masaya pa rin. Pero, 'yun nga lang, wala kaming staying power ni Mikoy,” natatawang sabi ni Ashley.

Naunawaan naman ni Mikoy na hindi lahat ng trabaho ay permanente.

“Related rin naman 'yun din kasi. Like, it's still a business decision. Nang sabi ni Kuya Pao, may ‘yung, kagalingan nila mag-adapt. So siguro, for the next stages ng pag-adapt ng show, baka talagang, ‘Oy, ‘di na kayo umuubra, Ashley, tsaka Mikoy,” muling biro ni Mikoy.

Diretsahang tinanong ni DJ Jhai Ho sina Chariz at Paolo kung sino kina Ashley at Mikoy ang ibabalik sa Bubble Gang. Tunghayan ang kanilang naging sagot. Panoorin.—FRJ GMA News